the injectors does not puls what caus it and where are uhay
Sa ubod nitong Luzon, ay may Lupang Hinirang Sa likas nyang kagandahanm ay walang kapantay Dito ang bukirin, ay pinag-aanihan Ng gintong butil ng uhay, na pagkain ng tanan Aming Nueva Ecija, ang loob mo'y tibayan Sa landas at pita, ng pagbabagong buhay Taglayin sa puso, ang Dakilang aral Ng mga bayaning Naghandog ng buhay
fictionHuling Hiling, Hinaing at Halinghing ni Hermano Husengni Pat V. VillafuerteHuling Hiling: IskuwalaNAGSISIMULANG MAGKULAY-GINTO ang dati'y luntiang punla na nilinang ng mapagpalang-kamay ng mga anak-bukid nang huli kong masilayan si Hermano Huseng, pagkaraan ng ilang taong pinaghiwalay kami ng panahon at ng pagkakataon. Noo'y kanyang kasibulan - maglalabimpitong tag-araw ng kanyang buhay. Malapad ang dibdib, maumbok ang siksik na mga braso, masigla at malakas. Pagmulat ng kanyang mga mata kasabay ng pagputok ng araw, isang katangi-tanging ritwal ang pinagkakaabalahan niyang gawin - ang talunin at magpaikut-ikot sa mahabang bakal na ang magkabilang dulo'y natatalian ng makapal na lubid at nakabuhol sa walong talampakang kawayan. Parang binabaluktot na ratan ang kanyang katawan tuwing itinataas-ibinababa ang pantay niyang mga paa, at ito'y nagmimustulang lagas na dahon ng banaba habang inililipad ng hangin. Pagkaraan ng ilang sandali'y pantay ang mga paang lulundagin niya ang lupa habang tuwid at magkapantay ang kanyang mga kamay na nakaturo sa langit. Nganganga't ibubuga ang nakaipong hangin sa malapad niyang dibdib saka sisimulang punasin ng kupasing lavacara ang namumuong mga pawis sa kanyang noo, pisngi, liig, batok at braso. Isang seremonya ko na ring gumising nang maaga kapag nauulinigan ko na ang kanyang mga yabag. At sa munting bilog na butas ng sawaling dingding ay lihim kong pinagmamasdan ang kanyang kahubdan. Ang malapad niyang dibdib at ang maumbok at siksik niyang mga braso. At ako'y nakadarama ng naiibang sigla. Ng naiibang pangitain. Ng di-maipaliwanag na damdamin.Masasabing kababata ko siya bagamat walong taon na ako nang sumulpot siya sa sangmaliwanag. Halos nagkakaumpugan ang dingding at bubong ng aming mga tahanan kaya't nasaksihan ko ang kanyang paglaki't pagbibinata. Bunso siya sa apat na magkakapatid na pulos lalaki ng mag-asawang Tata Pulo at Nana Docia, samantalang bugtong na anak ako ng mag-asawang maggugulay. Ngunit ang natatandaan ko, mula nang ako'y magkaisip, siya lang ang nilikhang laman ng aking isip . . . pagsikat at pagtirik ng araw. Kaya nga ba't sa tuwing magdadapit-hapon, sa tuwing aangkinin ng makakapal na ulap ang hilahod na kapaligiran ng buong nayon, ay itinuturing kong isang walang kahandaang kamatayan ang sandaling iyon para sa akin.Kapwa kami lalang at lumaki sa Tungkong Bato, isang natutulog na baryo sa San Antonio. Iisang Impong Gande ang nagpaanak sa amin. Iisang bisita* ang pinagdalhan sa amin upang maging kristiyano. Iisang Tata Roman ang nagpanguya sa amin ng usbong na bayabas upang pagkatapos ay bawasan ng isang kapirasong laman angpinakatatago naming "kamyas" sa katawan. Iisang baku-bakong landas sa gilid ng bundok ang aming nilalakbay patungo sa yari sa anim na raang kuwadro metrong pandayan ng karunungan. Ngunit habang nagpapalit ang mga araw at nagsisimula kaming mangarap para sa papaunlad na buhay ay nagkakaroon ng pagbabago sa aming paniniwala at ideolohiya. Bunga ng maghapong pakikinig ng mga balitang panglokal (walang nakararating na dyaryo sa aming nayon) ay higit na nagiging malalim ang pananaw sa buhay ni Hermano Huseng. Higit siyang naging maurirat sa mga isyung pulitikal. Higit siyang nagiging mapusok at marahas.Sa mga bagong nakikilala ni Hermano Huseng ay hindi nakakaligtaang itanong sa kanya kung ano ang kahulugan ng Hermano na nakakapit sa kanyang pangalan. Bukod sa kanyang magulang at mga kapatid, kami nina Tatang at Inang ang nakaaalam ng lihim na alamat. Simula sa unang araw ng Mayo hanggang katapusan ng buwan ay ipinuprusisyon ng mga taga-Tungkong Bato ang imahen ni San Isidro, ang patron ng mga magsasaka. Bawa't gabi'y isinasagawa ang "panunuluyan". Isang pamilya ang "umaampon" sa imahen. Ang bunsong anak na lalaki ay tinatawag na Hermano at kung babae ang bunsong anak, ito'y tinatawag na Hermana. Ipinaghahanda ng Hermano o Hermana ang pagdating ng kanilang "ampon". Ang pangunahing pinto at mga bintana ay ginagayakan ng iba't ibang ani - palay, mais, suman at iba pa. Dadasalan at aawitan ang "bagong panauhin". Isang buong araw itong manunuluyan at pagsapit ng gabi ay ibang pamilya na naman ang "aampon" sa imahen. Simula nang manuluyan kina Tata Pulo at Nana Docia ang patron ng mga magsasaka ay ikinapit na kay Huseng (mula sa pangalang Jose) ang salitang Hermano. Mula noon, ang anak na tumangging humawak ng pait, katam, lagare at martilyo ay tinawag ng Hermano Huseng.Anluwage ang ama ni Hermano Huseng. Isang maestro karpintero ng kanyang panahon. Namana niya ito sa kanyang ama na namana naman ng huli sa ama ng kanyang ama. Sa maikling salita, angkan ng mga anluwage ang pinag-ugatang lahi ni Hermano Huseng. Sinasabi ng mga naunang mamamayan ng Tungkong Bato na halos ang buong pamayanan ng nayon ay dumaan sa katam, martilyo't lagare ng angkan ni Hermano Huseng. Ang kauna-unahang bisita*, bahay, paaralan, klinika, ospital, palengke, bahay-sanglaan, bangko, panaderya, punerarya, tulay at palikurang-bayan sa Tungkong Bato; ang lumang kapitolyong pinagkutaan ng mga Kastila sa karatig-bayan; at ang pinakamamahaling ataul ng Funerarya Lorenzo sa San Antonio ay nagawa dahil sa mapagpalang mga kamay ng kanunununuan ni Hermano Huseng. Kaya't para sa sinaunang mga mamamayan ng Tungkong Bato, kasama na ng iba pang nayon at bayan ng San Antonio ay institusyon na ang lahing pinag-ugatan ni Hermano Huseng. Kaya't hindi dapat pagtakhan kung sakali mang makarinig si Hermano Huseng ng masasakit pananalita mula sa kanyang ama sa tuwing tatangkain niyang putulin ang kinagisnang tradisyon. Tanging siya, sa apat na magkakapatid na lalaki ang hindi sumasama sa ama kapag may batarisan o kapag nangingibang-bayan para mag-anluwage. Mas ginusto pa nitong magsulat ng mga tula. Mas kinahiligan pa nitong mag-alaga't magpalaki ng mga itik at bibe. At pagkaraang pakainin ang mga ito, pagkatapos ang sabay-sabay na pag-iingay ng mga ito ay uupo siya sa papag na nasa ilalim ng punong santol at magsisimulang magsulat. Nakatutuwang ako ang kanyang naging unang tagabasa at kritiko.Ang unang dalawang saknong ng kauna-unahang tula ni Hermano Huseng na pinabasa at ipinasuri niya sa akin ay naganap isang hapon sa ilalim ng isang punong santol. Isang hapong ayon sa kanya'y tamang panahon ng pagpapalayang-diwa:At sapagkat ang mabuhay sa daigdigay walang katapusang pagkukumagkagsa nakagapos na proseso ng kapagalan,bawat lakad-pasulongbawat likong pakaliwa't pakananbawat yapak-pabalikay may pagsuko sa loob ng ating sarili.nahahakbangan ang pusonatatalisuran ang isipngunit nahahawan ang landaspara sa kaluluwang pagal sa paghahanap ng katotohanansa di-madalumat na katotohanansa pagitan ng maraming pagtango't pag-ilingsa pader ng di-mabilang na pagpigil at pagtutol."Parang galit ka sa mundo," ang tanging nasabi ko.Ang akala ko'y iyon ang magiging simula ng isang magandang yugto sa buhay ko. Hindi pala. Pagkaraan ng ilang linggo'y naibalita niya sa akin na kinumbinsi siya ng kapatid ng kanyang hipag na magtrabaho sa konstruksyon ng kauna-unahang mall na maipatatayo para sa mga Nueva Ecijano. Ito'y nangangahulugang sa lungsod ng Cabanatuan na siya maninirahan, at paminsan-minsan na lamang siya luluwas sa Tungkong-Bato. Ito na rin marahil ang magiging simula ng aking kalungkutan. Ng aking kamatayan.Naging suliranin ni Hermano Huseng ang magkakasunod na taong pag-aasawa ng tatlo niyang kapatid. Papatanda na ang kanyang ama at wala nang makakatuwang sa pag-aanluwage. Ang kanyang kuya ay nakapangasawa ng isang Sebuwanang namasukang katulong sa tahanan ni Meyor. Sa munisipyo na nagtatarabaho ang panganay na kapatid. Nang sumunod na taon ay itinanan ng kanyang diko ang dalawang taon nitong nobya na taga-Aluwa. Sa bayan na ng babae nanirahan ang mag-asawa. May minanang kiskisan ng palay ang babae nang mamatay ang mga magulang nito at ito ang kanilang pinagkikitaan. Pagkaraan ng isang taon, nagpaalam ang kanyang sangko na magpapakasal na rin sa kasintahan nitong nasa kabilang ibayo. Maestra sa isang publikong paaralan ang napangasawa nito. Nagtayo ng maliit na tindahan ang mag-asawa at ito ang kanilang pinalalago. Siya naman ay sa pinagtatrabahuhan na namamalagi. Dalawang beses sa isang buwan na lamang siya kung umuwi sa Tungkong Bato.Nagsasalansan ako ng mga bakawan sa silong ng bahay nang maulinigan kong nag-uusap sina Tata Pulo at Nana Docia."Pa'no tayo mabubuhay kung ang bawat nagpapakumpuni ng bahay ay pabatares? Ang pangingibang-bayan na lamang ang atupagin mo," tinig iyon ni Nana Docia."Ang tao namang ire. Ako nga abay* ye* bigyan mo ng kahihiyan. Halos kamag-anakan natin ang mga nagpapabatares. Si Madeng ba ye pagbabayarin 'ta? Alam mo namang nag-iisa sa buhay at di-nakapag-asawa. Mabuti't nakumpuni ko ang bubong ng kanyang poltri bago dumating ang malakas na bagyo. Tatanggapin ko ba ang inaabot ni Kapitan Ontong gayong halos siya ang nagligtas at bumuhay sa 'tin no'ng panahong pasukin tayo ng mga taong-labas? Ay, tinamaan ka ng lintik. Baka ni isa mang tagarito ye walang dumamay sa 'yo sakaling dumating ang huling subo ko?" tugon ni Tata Pulo.Bagamat itinuturing na pinakamahusay kumarkula ng mga kahoy at kawayan kahit hindi nakatuntong man lamang ng unang grado sa paaralang-bayan, walang naaksayang gamit ang ama ni Hermano Huseng. Maging ang mga pinagtabasan at pinagkatamang kahoy ay kanyang nagagamit sa ibang paraan. Ang kayang katwiran, "Dapat panghinayangan ang alinmang bagay na natatapon. Ang lahat ng 'yan ay may paggagamitan." Pag-uwi mula sa pinaggawaan, sunung-sunong niya ang mga lumabis na pira-pirasong yero, kahoy at kawayan. Maayos na isasalansan sa silong ng bahay. Dudukutin sa bulsa ang naipon at nahinging mga pako na may iba't ibang sukat at isisilid sa isang lumang lata, kasama ng naipon ding maliliit na lapis na bagong tasa.Isang magdadapit-hapon, kasagsagan ng ulan nang dumating mula sa pambabatares si Tata Pulo. Nanginginig ang kanyang buong katawan. Inaapoy ng lagnat. Matapos palitan ng tuyong kamiseta ang kanyang basang damit, banyusan ng mainit na tubig ang kanyang mukha, mga braso't binti; at medyasan ang mga paa, pinahigop siya ni Nana Docia ng isang tasa ng mainit na kape."Iwasan ninyong maglabas ni isa mang sentimo kapag sumakabilang-buhay ako. Hilingin mo na lang sa ating mga anak na gamitin ang mga nakatambak na kahoy sa silong para sa aking kabaong. Ibig kong sila ang gumawa ng aking himlayan," ang bilin ni Tata Pulo. "Isama mo sa aking puntod ang mga gamit ko. Tutal, pinutol na nila ang kinalakhan kong tradisyon. Sayang . . . Sayang . . ."Pasungaw na ang araw nang tuluyang ipinikit ng Maestro Karpintero ang kanyang mga mata. Isang nangungulilang kamatayan ang nasaksihan ko nang umagang iyon.Magtatanghali na nang magkakasunod na dumating ang apat na anak ni Tata Pulo, kasa-kasama ang asawa't anak ng mga ito; maliban kay Hermano Huseng na nananatiling binata. Pinasok ng magkakapatid ang silong, namili at naglabas ng mga kahoy habang inilalabas ni Nana Docia ang mga gamit sa pag-aanluwage ni Tata Pulo. Ngunit . . ."Bakit ba pahihirapan pa natin ang ating katawan sa paggawa ng kabaong? Maaari naman tayong kumuha ng serbisyo sa Lorenzo?" tinig iyon ng panganay."Saka may kalumaan na ang mga kahoy na ito. Takpan man natin ng makapal na pintura'y lalabas din ang tunay na kayo," tinig iyon ng pangalawa."Mag-ambag-ambag na lang tayo. Kumuha tayo ng magandang kabaong sa Lorenzo," tinig naman iyon ng pangatlo. "Saka paghati-hatiin na rin natin iyong kanyang mga gamit.""Ngunit ang hiling ng inyong ama ay . . ."Halos papalubog na ang araw nang dumating ang panghabang-buhay na higaan ng pinakamatandang anluwage ng buong bayan ng San Antonio. Napagpasyahan ng magkakapatid na ilibing na kinabukasan ang ama."Wala naman tayong mga kamag-anak na hinihintay. Bakit kailangang patagalin pa ang libing? Pare-pareho tayong may pamilya na dapat asikasuhin," tinig iyon ng panganay."At may kabuhayan tayong dapat tutukan. Malakas pa naman sa panahong ito ang kiskisan. Sang-ayon ako kay Kuya na mailibing na agad si Ama," tinig iyon ng pangalawa."Ako rin. Hindi kami kailangang magtagal dito. Si Luming ay may turo sa bayan. Pinilit ko nga lamang lumiban sa klase ngayon," tinig iyon ng pangatlo.Kinabukasan, inihatid namin sa kanyang huling hantungan ang labi ni Tata Pulo. Mangilan-ngilan lamang ang nakipaglibing. Ni hindi sumipot ang mga taong natulungan ng matandang anluwage. Payak na libing ito para sa isang henyo ng paggawa. At sa paglisan ng apat na magkakapatid ay baon nila ang naiwang yaman ng amang anluwage: Martilyo ang pinili ng panganay, lagare ang inangkin ng pangalawa, katam ang kinuha ng pangatlo at iskuwala ang tanging hiling ng bunsong si Hermano Huseng sa kanyang ina."Bakit iskuwala?" ang tanong ko kay Hermano Huseng habang inihahatid ko siya sa sakayan."Hindi ako kailanman nakatulong kay Ama sa panahon ng kanyang pag-aanluwage. Sa mga gamit ni Ama, ang iskuwala ang hindi na gaanong ginagamit sa panahong ito hindi tulad ng martilyo, lagare at katam," ang sagot ni Hermano Huseng. "Ito lang ang huling hiling ko, masaya na ako para kay Ama."Huling Hinaing: KalatasPAPALAPIT NA ANG BAGYO sa Gitnang Luzon at nagsimula nang magsilikas ang ilang pamilyang taga_Tarlac at Pampanga sa kanilang mga kamag-anakan sa ilang kalapit-bayan ng Nueva Ecija. Katulong ni Tatang, sinimulan na naming suhayan ang aming nalulugmok ng bahay habang unti-unti ang inaani ni Inang ang mga gulay sa tumana*. Kinulong ko na rin ang mga alagang itik ni Hermano Huseng na siya kong naging libangan at tagapagpaalala ng aking itinatagong damdamin sa nagmamay-ari niyon. Magdadalawang taon nang nailibing si Tata Pulo at mag-iisang taon nang namayapa si Nana Docia. Tanging ng pangalawang anak na lamang ng matanda ang nakarating sa libing nito. Balitang nagtatago ang panganay na anak dahil nakadispalko ng salapi sa munisipyo at ang pangatlong anak naman ay balitang nangibang-bayan. Samantala, walang makapagsabi kung nasaan si Hermano Huseng. May nagsasabing nasa Maynila at namamasukan bilang weyter. May nagbabalita namang nakasama ito sa lumubog na barko patungong Cebu. Ngunit malaki ang kutob kong siya'y buhay. Iba ang nadarama ng isang umiibig . . . nang lihim."Pag-aari na pala ng mga Intsik ang halos ikatlong bahagi ng Tungkong Bato. Taga-Taiwan . . . Taiwan nga ba 'yon? Mula sa hanggahan ng ilog hanggang sa kawayanan. Sakop ang lupa natin, Ingga, pati na'ng ating tumana," tinig iyon ni Tatang. "Pagtatayuan daw ng pabrika."Iyon ang dahilan ng pakikipagpulong ni Alkalde sa mga taga-Tungkong-Bato sa tanggapan ni Kapitan no'ng isang gabi. Kabilang kami ni Tatang sa mga dumalo. Sa simula'y kinaringgan ng mga pagtutol, ngunit nang malauna'y may mangilan-ngilang sumang-ayon nang ipahayag ni Alkaldeng "Walang ibang magtatrabaho sa konstruksyon kundi mga taga-San Antonio lamang. Kapag natapos ang proyekto'y kayo pa rin ang magtatrabaho sa pabrika. Malaking tulong 'yon sa inyong kabuhayan. Huwag kayong mag-alala. Tutumbasan ng salapi ang alinmang pag-aaring masasagasaan, maging ito'y bahay o lupang sakahan."Isang gabing pumapagaspas ang mga dahong anahaw ay ginambala ng pagtulog ko ang sunud-sunod na pagkahol ng aso at pag-aalburuto ng mga itik at bibe ni Hermano Huseng. Pakiwari ko'y pinasok na naman ng mga taong-labas ang iniwanang bahay ni Hermano Huseng, katulad no'ng buhay pa si Tata Pulo. Bagama't may isang metro ang distansya, katapat lamang ng higaan ko ang pintuan ng ibinandonadong bahay; kaya't dinig na dinig ko ang kakaibang langitngit ng pintong kawayan habang sumasabay sa malakas na hihip ng hangin. Bukas ang mga matang hinintay ko ang pangyayaring maaaring maganap. Pagkaraan ng ilang sandali'y muling lumangitngit ang pintong kawayan kasunod ang papalapit na mga yabag. Sandaling huminto, na sa pakiwari lo'y sa tapat ng aking kinahihigan. Mayamaya'y muli kong narinig ang mga yabag, ngunit papalayo hanggang sa mawala't tanging ang sunud-sunod na pagaspas na lamang ng mga dahong anahaw ang aking narinig.Hindi ako gaanong nakatulog ng gabing iyon kaya't nakasungaw na sa bintana ang nag-iinit na araw nang ako'y bumangon. Nakapag-init na ng kape si Inang at kinukumpuni na ni Tatang ang bubong na sa wari ko'y dinaanan ng malakas na hangin. Agad kong tinungo ang bahay ni Hermano Huseng. Iginala ko ang paningin sa buong kabahayan. Walang nabago. Walang tanda ng paglapastangan sa naiwang alaala ni tata Pulo, ni Nana Docia at ni Hermano Huseng. Naroon pa rin at nananatili ang larawan ng sinaunang tradisyon na hinubdan ng maraming paghihirap, pagtitiis, pangungulila at pangangarap. Pinasok ng kakaibang lamig ang katawan ko, at marahil pati na ang kaluluwa ko, nang makita ko sa ibabaw ng mesa ang isang bagay na ni sa panaginip ay hindi ko inaasahang makikita: ang iskuwala ni Hermano Huseng!Paglabas ko ng bahay, sinundan ko ang mga yapak sa putikang lupa hanggang sa gilid ng aming bahay, katapat ng aking hinihigaan. Isang nakarolyong papel ang nakita kong nakaipit sa kapirasong butas ng dingding: Binasa ko ang nakalahad:i. Sama-samang pagsigawSa langit nakatunghay,Sama-samang pagkilosSa lupa nakalaan.ii. Dugo ang itinitikSa telang inuusig,Silakbo yaong himigNg pusong humihibik.iii. Bawat awit at tulaMay tarak ng pagpuksaBawat ningas ay sigaSa pugon ng pagluksa.Kayat ngayon na ang panahon para hubdan ang nakamaskarang mukha ng lipunang pag-aari ng mapagbalat-kayong mga dayuhan! Ipagtanggol ang karapatan ng mga aping manggagawa! Isulong ang demokrasyang pipigil sa mapagsamantala't mapanlait na naghaharing uri! Mabuhay ang tunay na kasarinlang makapipigil sa karukhaan ng sambayanang Pilipino! Isulong ang pambansang pakikibaka!Sa likod ng kalatas ay nakasaad ang ganito: Nasa kalatas na ito ang aking hinaing. Pag-aralan mo ang isinasaad ng kalatas at ipaliwanag ang kahulugan sa ating mga kanayon. Nasa loob ng munting baul ang mga polyeto, kasama ang mga kalatas na katulad nito. Ipamudmod mo sa ating mga kanayon. Ito lang ang huling hiling ko, masaya na ako para sa bayan.Huling Halinghing: KasalPARANG HINATULAN NG ISANG MABAGSIK NA SUMPA ang buong lalawigan ng Nueva Ecija nang salantain ito nang halos maglilimang buwang tagtuyot. Nangagyuko ang mga uhay sa pananim. Nangabitak ang dating matabang lupa. Nangarilang ang buong palayan. Nangamatay ang maraming hayop at halaman. Nangagkasakit ang maraming bata. Lumaganap ang iba't ibang uri ng sakit at epidemyang kumitil ng maraming buhay. Nangagsara ang ilang negosyong pang-agrikultura sa Gapan at San Isidro. Nangatigil ang ilang makina ng mga pabrika sa Jaen at San Leonardo. Binawi ng ilang negosyante't imbestor ang pakikipagkalakalan sa Gapan at Lungsod ng Cabanatauan. Isa nang disyerto ang Tungkong Bato. Ito ang nilalaman ng ulo ng balitang nakasaad sa Ang Nueva Ecijano, pahayagang lokal ng lalawigan, dala ng isang kasama namin sa kilusan, isang hapong siya'y bumaba sa kabayanan. Kung bakit at paano ako napahinuhod ni Hermano Huseng na mamundok at sumapi sa kanilang kilusan ay bunga ng aking lihim na pagtatangi sa kanya. Pagsaping ang naging bunga'y ang mapangahas na pagtatapat ko kina Tatang at Inang ng aking tunay na pagkatao at iniingatang lihim. Pagtakwil ang ipinabaon sa akin nina Tatang nang lisanin ko ang Tungkong Bato upang sumamang mamundok kay Hermano Huseng. Pagtakwil na dadalhin nila hanggang sa hukay, nang hindi ko nakakamit ang kanilang kapatawaran."Patawad, Tatang . . . Patawad, Inang . . . Patawad . . ."ANG PAGYURAK SA AKING DANGAL bilang tao ang matinding dahilan ng pag-anib ko sa kilusan, pangalawa lamang ang nadarama ko para kay Hermano Huseng. Nagsisimula na noon ang pagtutuyot, habang isinasalansan ko ang mga polyetong ipinagkatiwala sa akin ni Hermano Huseng ay tatlong armadong lalaking nakauniporme ng militar ang walang kaabug-abog na pumasok sa aming bahay. Sa pagitan ng aming pagmamakaawa at pagpupumiglas laban sa kanilang pananakot at pananakit ay walang habag na iginapos nila sina Tatang at Inang."NPA ka raw?" anang isa."Hindi, sino'ng maysabi sa inyong NPA ako?" ang nahihintakutan kong tugon."Napangiti sila sa uri ng tinig na kanilang narinig. At sila'y tuluyang naghagikhikan."Ibang putahe pala 'to, eh," ang puna ng pinakamatanda sa pangkat. "Makinis . . . Mas maganda pa sa misis ko, Pare."Gumuhit sa lalim ng gabi ang nakababasag na halakhak."Pinulong mo raw ang mga kanayon mo at nagpamudmod ka ng mga polyetong maka-kaliwa," ang sabi ng isa. Palinga-linga. Waring may hinahanap."Hindi totoo 'yan," ang pagkakaila ko."Kung hindi'y ano'ng ibig sabihin ng mga polyetong ito? Bakit nasa pag-iingat mo?" Sinu-sino kayo? Sino ang lider ninyo? Ikaw?" Galit ang tinig."Hindi . . . Hindi ko alam ang sinasabi mo," ang sabi ko.Pinalibutan ako ng tatlo. Isang malakas na suntok sa sikmura ang nagpapilipit sa akin. Isa-isa nilang hinubad ang aking damit, pati pantalon at pati ang nasa loob ng aking pantalon. Isang suntok sa mukha ang nagpatigil sa aking paghiyaw. Ibinaba ng kaharap ko ang kanyang pantalon pati ang panloob na tumatakip sa kanyang kahubdan. Inilabas ang nasa loob niyon. Sapilitan niya akong pinaluhod, hawak ang aking buhok, marahas niyang ibinuka ang aking bibig. At . . . Taas-baba . . . Taas-baba . . . Taas-baba . . . Sumunod ang isa. Higit siyang marahas. Taas-baba . . . Taas-baba . . . Taas-baba . . . Itinayo ako nu'ng huli, isinalya't pinaharap sa dingding. Tutop ang aking bibig, parang hayok sa laman na tinutukan ang aking likod. Sunud-sunod . . . Paulit-ulit . . .Pabilis nang pabilis . . . Palakas nang palakas . . . Pabaon nang pabaon . . . Palalim nang palalim . . ."Mga hayop kayo! Hayooooooooooop! Putang-ina n'yong lahat!"KAYRAMI KONG NATUTUHAN sa aking bagong daigdig, dito sa isang liblib na nayon ng Camarines Sur; mula nang kunin ako ni Hermano Huseng pagkatapos niya akong maitakas sa piitan, kasama ng iba pang mga lalaking hindi ko kilala. Ang karanasan kong iyon ang nagpabago sa pananaw ko sa buhay. Mula sa nakade-kahong ideolohiya ay nakawala ako sa gintong hawlang nasususian ng maraming pagtutol at pagbawal. Ngayong ako'y kaisa na ng kilusan, sa kabundukan ko napagsino ang aking sarili - ang noo'y kayraming pangamba at takot na ayaw kumawala sa aking dibdib, ang aking pagkamakasarili na wala palang puwang sa sistemang sosyal, moral at pulitikal ng bayan; ang maling paglingon ko sa hinaharap; ang napakataas na pagpapahalaga ko sa edukasyon at hindi sa damdamin ng nakararami; ang kaginhawahan at kasiyahang nadarama ko kapag ako'y busog habang may mga kababayan akong hindi kumakain; at higit sa lahat, ang malaking takot kong mamatay dahil sa aksidente, pagkakasakit o pagtanda at hindi nang dahil sa bayan. Ang lahat ng ito'y naikintal sa isipan ko nang dahil sa kilusan. Nang dahil sa lihim na pag-ibig ko kay Hermano Huseng. Nang dahil sa dangal na nawala sa akin.Hndi binago ni Hermano Huseng ang kanyang pangalan sa kilusan bilang paggalang niya kay Tata Pulo. Samantalang ako'y bininyagan niya sa pangalang Ka Hermana bilang paggunitang minsa'y naging hermana ako ng "ampunin" nina Tatang ang patrong si San Isidro ng Tungkong Bato. Sa mahabang panahon ng pamamalagi ko sa kabundukan ay lalo akong napalapit kay Hermano Huseng. Ako ang nag-aasikaso sa kanya kapag siya'y nagugutom, nagkakasakit o nasusugatan sa tuwing may mga armadong militar na lumulusob sa aming pinagkukutaan. Katuwang ko sa pag-aasikaso sa kanya si Ka Santan, isang dating madreng guro na siyang nagtatago ng mga nakumpiskang armas ng mga militar nang minsang nagkaroon ng engkuwentro sa paanan ng bundok. Sadyang kaysarap pagsilbihan ang isang taong lihim na minamahal.Isang umagang lumalangoy ako sa ilog ay bahagyang umalimbukay ang alon nang isang malakas na katawan ang tumalon sa tubig. Nang lingunin ko ang nagmamay-ari ay muling tumambad sa aking harap ang isang taong nagtataglay ng malapad na dibdib, maumbok ang siksik na braso, masigla at malakas. Si Hermano Huseng."May mahalagang pulong mamayang gabi. Malaki ang nagawa mong tulong sa kilusan kaya't dumalo ka. May lihim akong ibubunyag sa ating mga kasamahan. Panahon na marahil para pagbigyan ko naman ang tibok ng aking puso. Ikaw ang pinakamahalagang taong dapat na makarinig sa aking ikinukubling lihim," ang sabi ni Hermano Huseng."Ito na kaya ang araw na itinakda sa akin ng Panginoon?" ang naitanong ko sa aking sarili. "Imposibleng mangyari, ngunit ayokong umasa . . . ayoko."Maliyab na maliyab ang sindi ng mga sulo nang dumating ako sa pinagdarausan ng pulong. Ayon sa isang kasama'y sampung minuto nang nagpupukulan ng mga tanong at nagpapalitang-kuro ang mahigit na walumpung kasapi ng kilusan, kasama na ang isang dating pulitiko, isang pinatalsik na miyembro ng gabinete, isang pari, isang kilalang tagapagtatag ng grupong pangrelihiyon, isang babaing newscaster, dalawang peryodista, isang propesor ng political science at dalawang dating militar na dinukot nina Ka Undo noon, na matapos pababain ng bundok dahil na rin sa kahilingan ng gobyerno ay nagretiro sa pagsusundalo at muling nagbalik sa kabundukan para panghabang-buhay na maging kasapi.Nagsisimula nang pumatak ang ulan nang ipahayag ni Hermano Huseng ang ganito:"Kailangang magsipaghanda tayo. Anumang oras ay maaaring pumasok sa teritoryo natin ang pwersang militar. Nagkaisa na ang gobyerno, ang simbahan at ang media laban sa atin. Hindi raw natin pinahahalagahan ang nilagdaang kasunduan. Kasalanan ba natin kung bumalik sa bundok ang dati nilang mga kaanib? Kusang-loob ang pagbabalik dito nina kapitan," ang bungad ni Hermano Huseng. "Lumalakas ang ating pwersa at iyan ang pinangangambahan ng gobyerno."Nagsindi siya ng sigarilyo. Nagpawala ng usok."Bago ako sumapi sa kilusan ay ipinangako ninyo sa akin na anuman ang maging desisyon ko sa hinaharap, ako'y inyong pakikinggan at uunawain." ang pagpapatuloy ni Hermano Huseng. "Sa pagkakataong ito, sa kapahintulutan ng ating punong repormistang si Kumander Magayon, ay nais kong ipabatid sa inyong lahat na kami ni Ka Santan ay lihim na nagkakaibigan. Nais ko siyang pakasalan at pakisamahan habang buhay. Kasal ang tanging halinghing ko kay Ka Santan. Ito ang huling halinghing ko, masaya na ako para sa aking sarili."Gumuho ang pangarap na aking binuo nang kayhabang panahon. Nawalang-saysay ang lahat ng aking pagsisikap at pag-asam. A, kayhaba ng gabing iyon. Kasinghaba ng magdamag kong pagluha. At bago pumutok ang araw, sa tulong ng isang aandap-andap na ilawan, ang sakit ng puso ko'y itinala ko sa isang kapirasong papel:Nagising ako sa katotohanang hindi nga pala maaaring mangyari ang lahat. Salamat sa iyo na nagpatibok ng aking puso. Salamat sa alaala. Maramng salamat sa isang napapanahong pagpapamulat. Paalam.Sumabay ang pagpatak ng aking mga luha sa walang lingon at salit-salitan kong paghakbang. Kayhaba na ng aking nalakbay. Habang daan, pumapalaot sa diwa ko ang huling saknong ng tulang sinulat ni Hermano Huseng na ipinabasa niya sa akin kamakalawa ng gabi:Kaysarap sanang maging malaya kung ang laya'yDi malalambungan ng pagsisisi o pag-aalipusta.Bawat makata'y isang laya sa diwa at dugo.Bawat diwa'y isang bala ng poot,Bawat patak ng dugo'y isang punlo ng dangal.Ngunit,Hindi sa pamumundok,Hindi sa paghawak ng armasNasusukat ang ang lakas at giting,Hindi sa lawakang paglusob at pananakopNakakamit ang laurel at kamanyang,Kundi sa loob ng ating sarili.Laban sa gutom.Laban sa hirap.Laban sa ligalig.Laban sa daigdig.Sa daigdig ng napasukong daigdig.Sa dakong hilaga, mga yabag na papalapit ang gumambala sa aking paghakbang. Isang mahabang kilabot ang humaplos sa aking buong katawan. Nagtago ako sa isang lihim na lagusang natatakpan ng mahahabang damo at dayami. Mayamaya'y natulig ako sa sunud-sunod na pagpapalitan ng mga putok kasunod ng maramihang pagsabog. Malalakas. Nakatutulig. Nakamamatay.Pagkaraan ng dalawang araw at dalawang gabing pagtatago sa lihim na lagusan ay nagpatuloy ako ng paglalakad. Inihatid ako ng aking mga paa sa kabayanan. Usap-usapan ang enkuwentrong naganap sa pagitan ng mga militar at NPA kamakailan.Bumalong ang pangangatal ng buo kong katawan nang tumambad sa aking harapan ang nakalarawan sa pamukhang pahina ng pahayagan. Isang sugatang lalaking NPA ang matinding nananangis sa harap ng isang babaing NPA na sabog ang utak at pira-piraso na ang katawan. Ang lalaking iyon, sa kabila ng sunog ang kaliwang mukha'y nakikilala ko pa rin. Siya ang lalaking nagtataglay ng malapad na dibdib at maumbok at siksik na mga braso, na noon, sa tuwing makikita ko'y nakadarama ako ng naiibang sigla. Ng naiibang pangitain. Ng di-maipaliwanag na damdamin.