answersLogoWhite

0


Best Answer


Isa rin akong OFW dito sa Dubai.


Tama si Miss S. A. sa kanyang kwento at babala para sa ating mga kababayan na nagnanais pumunta ng Dubai. Ang Dubai ay masasabi kong hindi tunay na PARAISO, sa halip kung minsan ay SAKRIPISYO.

Noon sa Pilipinas simple lang ang buhay ko. Kahit papano tatlong beses din naman kumakain sa maghapon. Tama lang ang ulam, masarap din naman sa simpleng panlasa at sigurado rin ang sustansya.

Masarap sa pakiramdam na kasama ang pamilya, nakakalaro ko ang mga anak ko. Hanggang sa nabalitaan ko ang Dubai. Maganda raw, malaki sweldo, madali ka raw aasenso at higit sa lahat madali lang makatuntong sa bansang ito.

Nakilala ko kababayan natin na galing sa Dubai. Ang galing nyang mangusap, makamandag ang dila. Tango lang at puro "Ah, Oo, ganun ba?" lang ang masasabi mo sa husay niyang mambola. May kilala raw siyang employer. Naenganyo ako mag-apply kahit tutol ang misis ko.

Kailangan daw ang P60,000 para sa ticket at Visa. Ang sweldo raw ay 2,000 dirhamo at libre na tirahan. Sa loob-loob ko 2-3 months pala ay mababawi ko na yun gagastusin ko. Buo na ang desisyon ko. Pagkakataon ko na marahil ito, nasambit ko sa sarili.

In boiling temperature, P60,000 ang nahiram ko. Malaki ang interest rate kada buwan. Hamak na mas mataas sa height ko. Ito ang terminong gamit sa ganitong klaseng scheme ng pautang. Kailangan na raw ibigay ang pera, maliwanag pa sa sikat ng araw nahawakan nya yung P60,000.00. Pero umabot pa ng ilang buwan bago dumating ang Visa.

Pumapatak ang interest sa utang pero nakumbinsi ko ang sarili ko na OK lang at mababawi ko rin kaagad yun. Ang sarap sa pakiramdam! 'Di ko na naisip yung utang, dyan na raw ang Visa. Kulang na lang ipagsigawan ko sa mga kapit-bahay ko na makakapunta na ko sa Dubai.

Sa anak ko nasabi ko lang na mabibili ko na mga gusto niya. Lumuwas ako at pinuntahan ang bahay ng "hunyango". Andun ang Visa pero wala ang ticket na sa usapan ay kasama sa P60,000. Lintek! Ang sabi ko. Hindi na raw sinagot ng employer kuno ang ticket dahil ang mahal na raw ng Visa na Visit Visa pa pala. Wala pa kong kaalam-alam tungkol sa Dubai Visas (processing & application/fees). Kapit sa patalim, wala na kong magawa 'di na raw mababalik yun pera. Naibayad na raw para sa Visa.

Kailangang kong makahanap ng mahigit P40,000 para sa ticket. Pero sadyang mabuti ang Diyos, isang linggo lang ang lumipas may mabuting kamay na nagpahiram ng pera, tuloy ang Dubai!

Masama ang loob ng misis ko hanggang sa airport. Malaki nga naman ang responsibilidad na iiwan ko (kaliwa't kanan na patubuan) isama pa ang malaking sakripisyo (pag-iwan sa mga bata at 2 - 3 taon ang lilipas bago ulit kami magkatabi ni misis).

Tutol siya sa umpisa pa lang ng aking pag-a-apply. Pero ganito talaga yata ang buhay, lagi na lang may pagsubok. Maganda ang anyo ng Dubai. Pagsayad ng paa mo sa airport, dalawang kulay ang mangingibabaw sa iyong paningin. Puting kasuotan para sa kalalakihan at itim sa kababaihan.

Kundura at abaya. Ito ang kasuotan ng mga tinatawag na emarati o lokal. Magagalang, propesyunal at kagalang-galang ang mga Immigration officer, maging ikaw ay estranghero lalo na sa kanilang mga kalahi. Malayo sa estilo, asal at pag-uugali ng mga immigration officer sa sarili nating bayan.

Kalahi mo na dadaragin ka pa at kukutongan pa. Sa loob-loob ko, ang dali lang palang mahulaan ng magiging kapalaran. Parang sabong, dalawang kulay lang ang pagpipilian. Puti o itim. Nakahinga ako ng maayos nang makalabas na ako ng airport. Andyan na ang sundo ko.

Abangan ang naging buhay ko sa Dubai at iba nating kababayan. At ang kalokohan ng pekeng recruiter kuno na nanloko ng ilan nating mga kabayan.

User Avatar

Wiki User

8y ago
This answer is:
User Avatar

Add your answer:

Earn +20 pts
Q: Kwento na halimbawa ng pagsasalaysay
Write your answer...
Submit
Still have questions?
magnify glass
imp