Humihina na ang negosyo ng pamilya Filipinas na pagtatanim ng sibuyas sa kanilang lupa. Habang patanda na nang patanda ang kanilang ina (Armida Siguion-Reyna), may kani-kaniya namang mga pangarap at mithiin sa buhay na pinagkakaabalahan ang mga magkakapatid. Tanging ang panganay na si Flor (Maricel Soriano) lamang na tumatandang dalaga at ang lubos na kumakalinga sa kanilang ina. Nang dumalaw mula sa Amerika si Samuel (Richard Gomez), panganay na lalaki, unti-unti nang lumutang sa pamamagitan ng mga di-mapigilang hidwaan ng magkakapatid ang mga hinanakit ng bawa't isa na akala nila'y nailibing na sa limot sa pagdaloy ng panahon. Umabot sa sukdulan ang gulo sa pamilya nang humantong ang di na mabilang na pagkakabungguan ni Samuel at Eman sa pagbagsak at tuluyang pagkaka-comatose ng kanilang ina.
May tanging kataga na angkop na angkop sa Filipinas:malaman. May malamang kuwento na buong-buo ang pagkakasalarawan, at maaaring mag-akay sa manonood sa higit pang malalalim na isiping may kinalaman sa pakikipag-ugnayan at buhay ng isang pamilya. Ang "lakas" ng Filipinas ay NASA napakahusay na pagganap ng mga punong tauhan (sa papel ng buong pamilya), lalung lalo na ni Maricel Soriano bilang isang matiising anak at tapat na kasintahan; ang kasaysayan ng pamilya ay sa kanya ring mga mata matatanaw. Lapat ang musika, sinematograpiya, at lahat pang mga aspetong teknikal ng pelikula, bagamat litaw na litaw ang ganda ng dialogue na binigyang diin pa ng akmang focus ng camera sa makatotohanang pagganap ng mga artista sa kani-kaniyang papel
Makikita ng mga manonood ang kanilang sarili sa alin man sa mga tauhan ng pamilya Filipinas. Ang mga ipinapakitang kalagayan at suliranin na karaniwang natatagpuan sa mag-anak-tulad ng inggitan, paninibugho, pagkikimkim ng galit, paboritismo, pagkasiphayo, pagkasira ng mga pangako, at iba pa-ay naroon sa pelikula, at nag-aanyayang pag-isipan ang mga ito bilang daan tungo sa ikabubuti ng pag-uugnayan sa pamilya. May isang wasto at napapanahong mensahe ang Filipinas sa manonood: bagama't mahirap nang pagkatiwalaan ang mga institusyon natin tulad ng militar at simbahan, may isa pang nalalabing institusyon ang masasandigan pa rin ng isang tao-ang pamilya. Nais sanang bigyan ng CINEMA ng GP rating ang Flipinas, ngunit may nilalaman itong mga sangkap na kailangang ipaliwanang nang mabuti sa mga murang isipan, kungdi'y maaaring mag-iwan ito ng Mali o nakaliligaw na impresyon sa isipang salat pa sa pang-unawa.
Chat with our AI personalities