answersLogoWhite

0


Best Answer

Historikal na Pagsusuri sa Edukasyong Pilipino

Inihanda ng National Union of Students of the Philippines, Hunyo 2006

I. PAMBUNGAD

Ang pag-aaral sa kasaysayan ng edukasyon sa Pilipinas ay isang pagbabaliktanaw din sa kasaysayan ng lipunang Pilipino. Ang mga pag-unlad at pagkilos na siyang humubog sa lipunang Pilipino ay nagdulot ng malaking pagbabago sa sistemang pang-edukasyon.

Nagmumula sa pagbabagu-bago ng uri at batayang pang-ekonomiko ang antas ng edukasyon sa kabuuan. Ang tipo ng edukasyon ay sumasalamin kung anong uri ng lipunan ang namamayani sa isang bansa. Mula ng dumating ang mga Kastila sa Pilipinas hanggang sa kasalukuyang neokolonyal na pamumuno ng imperyalismong Estados Unidos, lubos na ginamit at ginagamit ang edukasyon upang patatagin ang makinaryang ekonomiko at pultikal ng mapang-aping sistemang umiiral.

Ngunit sa isang banda, may dayalektikong ugnayan ang edukasyon sa pulitika at ekonomiya ng lipunan. Bahagi ito ng kulturang sumisibol na nagbibigay ng higit na lakas o hamon sa namumunong kalakaran sa lipunan. Mahaba ang pakikibaka ng mamamayan upang ipaglaban ang isang makabayan, makamasa at siyentipikong tipo ng edukasyon. Mahalagang bahagi ito ng Rebolusyong 1896 at nagtuluy-tuloy ito maging sa panahon ng pananakop ng Amerika at pagkakaluklok sa mga papet na Republika mula 1946. Dominante man ang kolonyal na oryentasyon ng edukasyon sa bansa, hindi nawawala ang tinig at malawak na kilusan para sa edukasyong magsisilbi sa interes ng mamamayang Pilipino.

Ang patuloy na pagtugon ng edukasyon sa pangangailangan ng mga dayuhan at malalaking negosyante sa bansa ay siyang tanikalang gumagapos sa ating pag-unlad. Mauunawaan lamang ang kolonyal na oryentasyon ng edukasyon sa bansa kung uugatin natin ito sa mahabang karanasan ng Pilipinas sa kamay ng dayuhang mananakop. Kailangan ang pagtitilad-tilad ng mga bahagi ng luma at makadayuhang sistema ng edukasyon upang malaman natin ang susunod nating hakbang sa pakikibaka para sa isang makabago at makabayang tipo ng edukasyon.

I. BAGO DUMATING ANG MGA KASTILA

Bago pa man dumating ang mga mananakop na Espanyol, umiiral na ang iba't ibang uri ng pamayanan sa Pilipinas. Laganap ang sistemang sultanato at relihiyong Islam sa Mindanao. Dominante ang pyudal na sistemang paghahari ng mga sultan at datu. Umiiral din ang sistemang alipin sa ilang pamayanan at sistemang primitibo komunal sa hilagang bahagi ng Luzon.

Sa panahon ding iyon, relatibong maunlad ang agrikultura bilang pangunahing batayan ng ekonomiya ng bansa. May maunlad na pagsasaka, pangingisda at paninisid ng perlas. Mayroon na ring masiglang kalakalan ang mga sinaunang Pilipino sa mga karatig bansa nito tulad ng Tsina at Arabo. Laganap ang barter bilang pangunahing uri ng komersiyo sa buong kapuluan.

Sa pagdating ng mga Kastila ay nadatnan nila ang ating mga ninuno na may maipagmamalaking sariling sining at kultura. May paghahabi't paglililok, paglikha ng mga alahas na ginto, pagpipinta, paggawa at pagpapanday ng mga kagamitang pandepensa at pandigma tulad ng pana, kris, tabak, kampilan at mga panangga. Mayroon ding sariling literatura sa anyo ng mga epiko tulad ng Biag ni Lam-ang, Hudhud, Alim at Indararapatra and Sulayman. Sa panahong ito rin nagkaroon ng unang naitalang alpabetong Pilipino na kilala natin ngayon bilang alibata.

Ang edukasyon ay kolektibong responsibilidad ng pamayanan o barangay. Ang mga magulang at nakatatanda sa barangay ang nangangasiwa sa pagtuturo sa mga bata. Ang mga kasanayan sa produksiyon tulad ng paghahabi, pangingisda at pangangaso ay pangunahing binibigyang pansin. Ang mga mandirigma naman ang nangunguna sa pagtuturo sa sining ng pakikidigma at depensa sa pamayanan. Ang edukasyon ay tuwirang nagsisilbi sa kagalingan ng buong barangay dahil ito ay nakabatay sa karanasan ng mamamayan at ekonomikong pangangailangan ng komunidad.

II. PANAHON NG KOLONYALISMONG KASTILA

Ginamit ng kolonyalismong Kastila ang espada at krus upang sakupin at pagharian ang Pilipinas. Ang sinumang lumaban ay pinapaslang sa pamamagitan ng espada at ang sinumang sumang-ayon ay pinaluluhod sa krus.

Sa pagpasok ng mga Kolonyalistang Espanyol, lumaganap ang sistemang pyudal at kolonyal. Ipinako ang mamamayang Pilipino sa lupa at hinawakan ng mga Kastila at simbahan ang ekonomiya sa pamamagitan ng pangangamkan ng mga lupain at pagpapatupad ng sistemang Encomienda. Pangunahing tagapagpalaganap ng kulturang pyudal at mistisismo ang simbahan. Ang sinumang hindi sumunod sa utos ng Simbahang Katoliko at tagapangasiwa ng Hari ng Espanya sa Pilipinas ay tatawaging erehe, pilibustero, at kasusuklaman dahil sa paniniwalang masusunog ang kaluluwa sa impyerno.

Walang pag-aalinlangang binura at sinunog ng mga Kastila ang halos lahat ng mga manuskripto at ebidensiya ng edukasyon at kultura ng mga ninuno natin sa paniniwalang ito raw ay gawa ng diyablo. Kung hindi dahil sa pagsasalin-salin sa wika ng mga awit, epiko, at alamat, baka tuluyan na nating nakalimutan ang makulay na nakaraan ng ating lahi.

Pangunahing layon ng edukasyon sa panahon ng kolonyalismong Kastila ang pagtuturo ng Katolisismo at pagpapailalim ng mga katutubo sa korona ng Espanya. Ang mga unang paaralan, dala ng mga misyonero, ay pagsunod sa kautosan ni Charles V noong Hulyo 17, 1550 na nag-takda na ang lahat ng mga sinakop ng Espanya ay tuturuan ng wikang Español. Subalit malalim ang ugat ng diskriminasyon ng mga Kastila sa mga indio, at sinabing hindi kailanman maaaring matuto ang mga katutubo ng wika nila, at "mananatiling mga unggoy anupaman ang bihis".

Pinag-aral sa mga sekondaryong paaralan ang mga anak ng mga dating namumuno sa mga barangay bilang preparasyon sa magiging papel nila bilang mga gobernadorcillo at cabeza de barangay. Itinayo ng mga Heswita ang Colegio de Niñosnoong 1596 para sa adhikaing ito, subalit nagsara rin ito matapos ang limang taon. Ang iba't ibang mga misyonero at kongregasyon ay nagtayo ng mga pamantasan. Itinatag ng mga Heswita ang Colegio Maximo de San Ignacio noong 1589 at ito'y naging unibersidad noong 1621.Itinatag din nila ang College of San Ildefonso (1599, ngayo'y University of San Carlos sa Cebu), College of San Jose (1601), College of the Immaculate Conception (1817, ngayo'y Ateneo de Manila University). Itinatag naman ng mga Dominikano ang Colegio de Nuestra Señora del Santisimo Rosario (1611, ngayo'y Unibersidad ng Santo Tomas) at Seminario de Niños Huerfanos de Pedro y San Pablo (1620, ngayo'y College of San Juan de Letran).

Minaliit ng mananakop ang kaalamang lokal samantalang pinalaganap ang konserbatibo at pseudo-siyentipikong kaalaman sa mga paaralang pinapatakbo ng simbahan. Patuloy ang pagtuturo ng metapisika kahit lubos nang nauunawaan ang mga batas ng paggalaw ng mga bagay bagay. Hindi rin ganap ang pagtututro ng syensya tulad na lang halimbawa ng ipinakita sa El Filibusterismo ni Rizal na ginagawang palamuti lamang ang mga kagamitan sa pag-eeksperimento.

Ang cura paroco ng simbahan ang namimili ng maestro sa mga eskuwelahan na magtuturo ng alpabeto sa mga bata at pangunahin ang mga doktrina ng relihiyong Romano Katoliko. Katekismo ang pokus ng edukasyon. Mekanikal na pinapabasa at pinapamemorya ang mga misteryo ng rosaryo, dasal at mga ritwal ng simbahan. Laganap ang paggamit ng palmeta bilang pamalo sa mga ayaw at nahihirapang matuto.

Dahil sa Educational Degree of 1863, naging compulsory ang edukasyong primarya bagama't may diskriminasyon pa rin sa mga indio at monopolyo pa rin ng simbahan ang edukasyon sa bansa. Kakaunti pa rin ang nakakatuntong sa mas mataas na antas ng edukasyon. Eksklusibo para sa mga paring sekular at gayundin sa mga anak ng mga komersyante at lokal na panginoong maylupa ang pag-aaral sa mga Katolikong pamantasan sa bansa at sa Europa. Ang mga ilustradong nakapag-aral ang nagpasok ng burges liberal na kaisipan sa Pilipinas tulad ng pagsasarili at nasyonalismo.

Elitista ang edukasyong pinatupad ng mga Kastila. Ipinagkait ang edukasyon sa mga indio. Ipinako sa lupa at hindi binigyang pagkakataong makapag-aral ang mayorya ng mga Pilipino. Ayon kay Jose Rizal, "ang ugat ng kamangmangan at kahirapan sa Pilipinas ay ang kakulangan ng edukasyon at kaalaman, na isang sakit mula sa kapanganakan hanggang sa katapusan." Tinuligsa nya ang mga Kastila at mga prayle dahil hindi nakakatugon sa pangangailangan ng mga Pilipino ang edukasyon sapagkat wala man lamang mga libro sa kasaysayan, heograpiya, moralidad ng Pilipinas na nakabatay sa karanasan nito sa isang sistemang pyudal. Naging hiwalay ang mag-aaral sa kanyang pinag-aaralan.

III. PANAHON NG REBOLUSYONG 1896 AT REBOLUSYONARYONG GOBYERNO NG PILIPINAS

Naging tuntungan ang malawak na diskontento ng mamamayan laban sa marahas na pang-aabusong pyudal at kolonyal upang mailunsad ang iba't ibang mga kilusan at pag-aalsa, at sa pagdaan ng panahon ay nagbuo ng konsepto ng pagiging Pilipino mula sa indio. Pinagkaisa ng karanasan at pangangailngan ang mga Pilipino upang magkaroon ng kamalayang makabayan at lumaya sa mananakop na Kastila.

Naging mitsa ang panawagan ng sekularisasyon ng mga parokya sa bansa sa paghahangad ng mga Pilipino sa pambansang kalayaan. Pinangunahan nina Padre Mariano Gomez, Padre Jose Burgos, at Padre Jacinto Zamora ang kampanya na ipamahala na sa mga Pilipino ang mga parokya laban sa mga abusadong prayle na ayaw bitiwan ang kanilang mga pwesto dahil sa kapangyarihan at kayamanan na nakamkam nila mula dito. Dahil sa mga nakapag-aral ang mga Pilipinong pari, ang kanilang pagkamulat ay naipasa nila sa iba pang mga Pilipino na naging bahagi ng kilusang mapag-palaya, kabilang na dito si Paciano, kapatid ni Jose Rizal, na malaki ang naging papel upang mahubog ang kamalayan ng kapatid.

Naitatag ang First Propaganda Movement nila Rizal, del Pilar, Lopez Jaena at iba pang ilustradong nakapag-aral sa Europa noong huling bahagi ng ikalabing-siyam na siglo. Layunin ng kilusang ito na palaganapin ang isang makabayan at mapagpalayang kamulatan at edukasyon sa hanay ng mamamayang Pilipino.

Gamit ang panulat at pinsel, ipinakita ang pyudal at kolonyal na uri ng lipunan at pagsasamantala na pinapairal ng mga Kastila sa bansa. Ang La Solidaridad ng mga propagandista ang naging daluyan ng mga subersibong ideya upang gisingin ang sambayanan na labanan ang mahabang panahon ng pagkakalugmok sa kahirapan sa kamay ng mga Kastila.

Naging inspirasyon ang mga rebolusyon sa Pranses, Amerika at Latin Amerika upang masindihan ang mitsa ng unang pambansang demokratikong rebolusyon sa bansa na nagluwal sa armadong rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan noong 1896. Malaki ang naging ambag ng rebolusyonaryong kaisipan at kulturang ipinalaganap ng Katipunan upang maipagtagumpay ang kalayaang hinahangad ng mga Pilipino.

Naging mahalaga ang papel ng edukasyon at pagmumulat para sa Kataastaasang Kagalanggalang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan o Katipunan na itinatag ni Andres Bonifacio. Naitalagang patnugot ng Kalayaan, pahayagan ng kilusang ito, si Emilio Jacinto at madaling naintindihan ng mga mamamayan ang hiwatig ng pagnanasa ng sambayanan para sa kalayaan. Sa pagkalimbag ng Kalayaan, tumalon sa 30,000 ang kasapian ng Katipunan. Si Jacinto rin ang nagsulat ng Kartilya ng Katipunan, sa pagsang-ayon ng kasapian nito, at ito ang gumabay sa ideolohiya ng buong kilusan.

Naging larangan ng pag-aaral ang pakikibaka ng mamamayan. Mula sa mga sentrong bayan hanggang sa mga baryo ay nagbuhos ng panahon ang mga Pilipino upang matutunan kung paano ibabagsak ang kapangyarihan ng mga mananakop. Binasa ang akda ng mga rebolusyonaryo, nagbuo ng mga samahan, nagbukud-buklod at humawak ng sandata upang maipagwagi ang minimithing kasarinlan.

Sa pagkakamit ng tagumpay sa unang bahagi ng rebolusyon ay agad kinilala ang kahalagahan ng edukasyon upang malubos ang kalayaan ng bansa mula sa mga Kastila.

Sa panukalang Konstitusyon ni Apolinario Mabini ay tinukoy ang sentral na papel ng Estado upang pangasiwaan ang edukasyon mula sa monopolyong kontrol ng simbahan. Bawat bayan ay magbibigay ng libreng primaryang edukasyon, ang bawat probinsiya ay magtatayo ng mga sekundaryong paaralan at ang malalaking siyudad ay lalagyan ng mga unibersidad. Sa kabisera ng Republika ay itatayo ang isang Central University.

Ibinigay ni Mabini sa isang Pambansang Senado ang pangangasiwa sa buong sistema ng edukasyon. Titiyakin nito ang modernisasyon ng mga paaralan at kung nabibigyan ng mataas na suweldo ang mga propesor. Ang Rector sa mga pamantasan ay magiging bahagi ng Pambansang Senado.

Ang panukala ni Mabini ay hindi nasunod dahil ang Konstitusyong ginawa ni Calderon ang naipasa sa Malolos. Gayunpaman, ipinakita sa atin ni Mabini ang mga demokratikong kahilingan ng mga Pilipino sa pagsusulong ng isang makabayan, makamasa at siyentipikong tipo ng edukasyon.

Pagbalik ni Aguinaldo mula sa Hong Kong noong 1898, agad siyang naglabas ng mga manipesto tungkol sa pagsasaayos ng edukasyon sa bansa. Ito ang tala ni Prop. Teodoro Agoncillo tungkol sa edukasyon sa panahon ng rebolusyonaryong gobyerno ni Aguinaldo:

"The Revolutionary Government took steps to open classes as circumstances permitted. On August 29, 1899, the Secretary of the Interior ordered the provincial governors to reestablish the schools that have been abandoned before. To continue giving instruction to the people, Aguinaldo included in the budget for 1899 an item for public instruction amounting to P35,000. On October 24, a decree was issued outlining the Burgos Institute. The curriculum included Latin grammar, universal geography and history, Spanish literature, mathematics, French, English, physics, chemistry, philosophy and natural laws."

"Higher education was provided for when, in a decree of October 18, 1899, Aguinaldo created the Literary University of the Philippines. Professors of civil and criminal law, medicine and surgery, pharmacy and notariat were appointed. Dr. Joaquin Gonzales was appointed first president of the university and succeeded by Dr. Leon Ma. Guerrero, who delivered the commencement address on September 29,1899. The university did not live long, for the conflict with the Americans led its faculty and students to disperse."

Sa panahon ng unang pambansang demokratikong rebolusyon ay nailatag na ang binhi para sa isang edukasyong tutugon sa pangangailangan ng lipunan. Ang paghahanda ng daan para sa ganap na pambansang pag-unlad ay aakuin sana ng pinapanday na edukasyon noon ngunit ito ay maagang hinarang ng imperyalistang motibo sa pagpasok ng mga Amerikano noong 1899.

IV. PANAHON NG PANANAKOP AT PAGHAHARI NG IMPERYALISMONG US

Marahas na pananakop, pagsupil sa rebolusyonaryong gobyerno ng Pilipinas, panlilinlang at pakikipagsabwatan sa mga lokal na burgesya at panginoong maylupa ang naging pamamaraan ng imperyalismong Amerikano upang maisakatuparan ang disenyo nito sa Pilipinas noong unang taon ng kanyang pagdating sa bansa.

Milyun-milyong mamamayang Pilipino ang minasaker ng mga tropang Amerikano dahil sa patuloy na paglaban ng mga kasapi't lider ng Katipunan at mamamayang Moro na wastong natukoy agad ang pagpasok ng Amerika bilang bagong mananakop.

Ginamit ng mga Amerikano ang edukasyon upang malubos ang kanilang pananakop sa bansa at magtagumpay ang kanilang kampanya ng pasipikasyon. Pagkapanalo ni Commodore Dewey noong 1898 ay agad pinangasiwaan ng mga Amerikanong sundalo ang 39 na eskuwelahan sa Maynila na may apat na libong estudyante. Ang mga naunang mga gurong pampubliko ay mga Amerikanong sundalo. Para kay General Arthur MacArthur, isang operasyong militar ang pagtatayo ng marami pang mga eskuwelahan bilang bahagi ng kanilang kampanyang sakupin ang bansa.

Sa pamamagitan ng Act 74 na nilagdaan ni Pangulong McKinley noong Enero 1901 ay nailatag ang struktura ng edukasyon sa bansa sa ilalim ng pangangasiwa ng mga Amerikano. Itinatag ang Department of Public Instruction, nagpadala ng mahigit isang libong Amerikanong guro sa bansa, lulan ng barkong S.S. Thomas, na nakilala bilang mga Thomasites, at ginamit ang ingles bilang wikang panturo sa mga eskuwelahan.

Ang edukasyon sa ilalim ng mga Amerikano ay isang mahalagang pagkukundisyon ng ating pag-iisip upang tanggapin ang kanilang pamumuno. Hindi lang pagtuturo ang naging papel ng mga Thomasites kundi ang pagtitiyak ng "loyalty of the inhabitants to the sovereignty of the United States, and implanting the ideas of western civilization among them."

Ang pag-usbong ng bagong henerasyon ng mga Pilipino na pabor sa pamumuno ng mga dayuhang mananakop ay resulta ng isang edukasyong dinisenyo ng mga Amerikano upang mabaling ang ating atensiyon mula paglaban para sa kalayaan tungo sa pagkilala sa pamumuno ng dayuhan. Araw-araw itinuturo sa mga kabataang Pilipino ang mabuting layunin ng mga Amerikano sa pagdating sa Pilipinas at ang kadakilaan ng kanilang sibilisasyon at kultura. Isinantabi ang pagtuturo ng tradisyunal na kultura at ang inaral ng mga bata ay pagkanta halimbawa ng Columbia, Star Spangled Banner, ABC, my old Kentucky home, at Maryland, my Maryland.

Ang kanluraning kamulatan, pag-iisip at edukasyon na ipinalaganap ng mga Amerikano ay nagsilbi rin para sa kanilang pang-ekonomikong interes. Hinubog sa kaisipang komersiyalismo ang mga Pilipino upang yakapin nila ang mga produktong dala ng mga mananakop. Sa wika ni William Howard Taft, sa simula ay titignan bilang mga luho sa buhay ang mga produkto nila, subalit sa di kalaunan ay magiging mga pangangailangan ito na hindi kayang mawalan ng mga Pilipino.

Ang gurong Amerikano ang naging kapalit ng mga prayle o misyonaryo sa paghubog ng isip ng mamamayan. Kung krus at espada ang ginamit ng mga Kastila sa pananakop ng Pilipinas, naging mabisa para sa mga Amerikano ang Krag rifle at ang libro na hawak ng isang Thomasite.

Bilang suhol sa mga Katolikong pamantasan na dominante sa bansa, nagpasa ng batas ang gobyerno sibil 1906 na nagbigay ng pribilehiyo sa mga eskuwelahan bilang mga korporasyon, pangunahin ang proteksyon ng mga ari-arian ng simbahan. Magkatuwang ang simbahan at ang bagong mananakop sa pagpapatupad ng isang kolonyal na edukasyon.

Ang mga rebeldeng ayaw sumuko at patuloy na nakikidigma ay ikinintal sa isip ng mga bata bilang mga tulisan at masasamang tao. Isang dating guro at lider ng rebolusyon, si Heneral Artemio Ricarte ay sinamahan ang iba pang "irreconcilables" tulad nina Melchora Aquino at Apolinario Mabini na sapilitang ipinatapon sa Marianas Islands dahil ayaw nilang kilalanin ang pamumuno ng Amerika sa Pilipinas. Si Heneral Malvar, Vicente Lukban at Macario Sakay ay tinaguriang bandido ng mga Amerikano kahit kinikilala silang bayani ng mamamayan.

Sa pagkatalo ng rebolusyon dahil sa pananakop ng Amerika ay hindi natapos ang paglutas ng problema sa lupa. Humantong ang pagsasama ng modernong kapitalismo ng US at domestikong piyudalismo sa bansa upang maisakatuparan ang plano ng US na bansutin ang pag-unlad ng Pilipinas. Binalangkas ang istruktura ng edukasyon na umaakma sa malapyudal na katangian ng ekonomiya ng Pilipinas at pantustos sa pang-ekonomiyang pangangailangan ng US.

Bahagi ng pagkukundisyon sa ating kamalayan ay pagtatayo ng mga pamantasan tulad ng Unibersidad ng Pilipinas, Manila Business School (Polytechnic University of the Philippines ngayon) at Philippine Normal University upang matiyak na ang susunod na mga guro, klerk, teknokrat at lider ng bansa ay hindi lalayo sa kagustuhan at pamantayang iiwanan ng mga Amerikano. Sa bisa ng Act 854 noong 1903 ay pinag-aral ang isang daang matatalinong Pilipino sa Amerika na tinawag na pensionados. Sila ang naging mga pinakamasugid na taga-suporta ng dayuhang pananakop pagbalik nila sa Pilipinas.

Matagumpay ang paggamit ng edukasyon sa pag-impluwensiya sa pag-iisip ng mga Pilipino kaya't nang maitatag ang gobyernong Komonwelt noong 1935, huling binuwag at ipinasa sa mga Pilipino ng mga Amerikano ang Department of Public Instruction.

Mga tampok na paghamon sa kolonyal na edukasyon

Ito ang ilan sa mga obserbasyon ng Monroe Survey, ang pinakaunang sarbey sa edukasyon sa bansa noong 1925:

1. Ang mga guro sa elementary at hayskul ay walang sapat na kasanayan.

2. Humigit-kumulang 82% ng mga kabataan ay hindi umaabot sa Grade 5.

3. Ang kurikulum at ang teksbuk na ginagamit ay hindi naaayon sa pangangailangan ng bansa.

4. Nahihirapan ang mga Pilipino na mag-aral ng Ingles.

Nanggaling mismo sa mga Amerikanong iskolar ang pagtukoy na hindi tumutugon sa partikular na pangangailangan ng Pilipinas ang kolonyal na edukasyong ipinapatupad ng Amerika sa bansa.

Sa pagkakatatag ng gobyernong Komonwelt ay ipinasa na sa mga Pilipino ang pangangasiwa sa edukasyon ng bansa. Kinilala ng binuong National Council of Education at maging ni Pangulong Quezon ang layo ng agwat ng itinuturo sa mga eskuwelahan at ang pangangailangan ng Pilipinas.

Ilan sa mga hakbang ng gobyernong Komonwelt ay ang pag-aalis ng grade 7 sa elementarya, pagpapatupad ng programang universal compulsory primary education, paglalabas ng mga teksbuk na umaayon sa katangian ng lipunang Pilipino, at pagpapahalaga sa edukasyong bokasyunal at adult education. Gayunpaman, patuloy ang paggamit ng ingles bilang midyum ng pagtuturo at ang ipinatupad na bagong istruktura ng edukasyon ay hindi pa rin lumalayo sa pamantayan at disenyo ng imperyalismong US. Kinilala man ng gobyernong Komonwelt ang mga kakulangan ng edukasyon sa Pilipinas, hindi nito isinakatuparan ang lubusang pagtatatag ng isang makabayan at makabagong tipo ng edukasyon.

Hindi nakamit ng gobyernong Komonwelt ang layunin nitong universal priamry education. Noong 1935, 1,229,242 kabataan ang naka-enrol sa mga pampublikong paaralan, at pagdating ng 1939, 1,961,861 pa lamang ang nakakapasok sa paaralan. Apatnapu't-limang porsiyento (45%) lamang ng kabataan sa watong edad ang nakakapasok sa mga pampublikong paaralan.

Ang mga eskuwelahan ay naging larangan din ng paghamon sa sistemang pang-edukasyon, umiiral na mapang-aping kaayusan sa lipunan at ang patuloy na pananakop ng Amerika sa kabila ng pangako nitong kalayaan para sa Pilipinas.

Mula sa pagtutol ng pagtaas ng matrikula noong 1929 o ang pagsuporta sa Hares-Hawes Cutting Act noong 1933 hanggang sa kampanya para makaboto ang mga kababaihan sa eleksiyon noong 1937 ay pinatunayan na ng mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas ang patuloy na pagsasabuhay ng tradisyong aktibismo ng mga kabataan.

Noong 1930 ay nagwalk-out ang mga estudyante ng isang sekundaryong paaralan sa Maynila bilang protesta sa pang-iinsulto ng isang Amerikanong guro sa mga Pilipino. Sinuportahan ito ni Benigno Ramos, isang klerk sa Senado at protégé ni Quezon. Tinanggal sa trabaho si Ramos na nagtulak sa kanya upang itayo ang grupong Sakdal. Binatikos ng mga Sakdalista ang kolonyal na sistemang edukasyon, partikular ang grade school Readers' Textbook ni Camilo Osias dahil sa pagsamba sa kulturang Amerikano. Higit pa rito ay sinisisi nila ang pananakop ng US bilang sanhi ng kahirapan ng mga magsasaka at mamamayan.

Isang tampok na kuwento ng kabayanihan sa panahon ng pag-aalsa ng mga pesante noong dekada trenta ay ang pakikibaka ni Tomas Asedillo, isang guro ng pampublikong paaralan sa Laguna. Naging lider siya ng welga ng mga manggagawa ng La Minerva Cigar Factory sa Maynila na marahas na binuwag ng Constabulary. Tinangka siyang hulihin subalit nakabalik na siya sa Laguna at sumapi sa Katipunan ng mga Anakpawis. Naging tagapagtanggol siya ng mahihirap at nakilala bilang Robin Hood ng kanilang bayan.

V. PANAHON AT PAGHAHARI NG IMPERYALISMONG HAPON

Parang epidemyang hindi makakuha ng lunas ang humagupit na krisis pang-ekonomiya sa buong mundo bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Hindi mapigilan ang marahas na digmaan upang maresolba lamang ang pagkakahati ng mundo sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan.

Sa Asya, naging pangunahing imperyalistang bansa ang Hapon. Madaling nasakop ng Hapon ang Pilipinas dahil sa kawalan ng sapat na paghahanda ng gobyernong Komonwelt at ang sagad-sagaring pag-asa nito sa tulong na hindi maagang binigay ng Amerika.

Bitbit ang programang "Greater East Asia Co-Prosperity Sphere", itinuring ng Hapon ang Pilipinas bilang isang kolonya at itinayo ang papet na gobyerno sa pamumuno ni Jose P. Laurel kasama ang iba pang mga burgesya kumprador at panginoong maylupa.

Ipinatupad din ng Hapon ang isang kolonyal, pyudal at mapanupil na sistema ng edukasyon. Naging tampok sa programang pang-edukasyon ang pagkakaisa ng mga Asyano laban sa mapanirang impluwensiya ng kulturang kanluran.

Ito ang karagdagang tala ni Prop. Teodoro Agoncillo:

"The Japanese educational policy was embodied in Military Order No. 2, dated February 17, 1942. Its basic points were the propagation of Filipino culture; the dissemination of the principle of Greater East Asia Co-Prosperity Sphere; the spiritual rejuvenation of the Filipinos: the teaching and propagation of Nipponggo; the diffussion of the vocational and elementary education; and the promotion of love of labor. The motive behind this educational system was not only to create an athmosphere friendly to Japanese intentions and war aims, but also to erase Western cultural influences, particularly British and American, on Filipino life and culture."

Sinang-ayunan ng mga akademiko ang pagtukoy sa masasamang impluwensiya ng kanlurang kultura sa buhay ng mga Pilipino tulad ng bulag na pagsamba sa anumang nanggaling sa Amerika o sa mga "puti", indibidwalismong kaisipan at panatikong paghahangad ng yamang materyal. Gayunpaman, madali ring natukoy ng mga Pilipino ang maitim na motibo ng mga Hapon kung bakit nais nilang bumaling tayo sa simplistikong birtud ng Silangan sa ilalim ng gabay ng Hapon. Hindi kinagat ng mga Pilipino ang pinasusubo sa ating tipo ng edukasyon kung kaya't sa panahon ng digmaan, halos 90% ng mga estudyante ay piniling huwag pumasok sa eskuwelahan.

Mula nang maipasa sa kamay ng papet na Republika ang pangangasiwa ng edukasyon noong 1943, tinangkang langkapan ng konsepto ng "assertive nationalism" ang sistema ng pagtuturo sa bansa. Ito man ay nayonalismong katanggap-tanggap sa mga imperyalistang Hapon, hindi maikakaila ang magandang intensiyon ng ating mga lider upang itatag ang isang makabago at makabayang edukasyon.

Ilan sa mga hakbang na ginawa nila ay ang sumusunod:

1. Pagkuha ng lisensiya ng mga guro bilang rekisito sa pagtuturo.

2. Paggawa ng isang code of professional ethics para sa mga guro.

3. Ang mga guro ng relihiyon ay dapat tumalima sa mga patakaran ng Estado.

4. Ang mga Pilipino lamang ang maaaring magturo ng Kasaysayan, pambansang wika at character education sa lahat ng eskuwelahan.

5. Ituturo at gagamitin ang pambansang wika sa lahat ng lebel ng edukasyon.

6. Ang tuition at iba pang bayarin sa eskuwelahan, kabilang ang sahod ng mga propesor ay aaprubahan muna ng gobyerno; maaari ring imbestigahan ang status ng pinansiya ng mga pamantasan.

7. Ang mayorya ng governing board ng mga eskuwelahan ay dapat Pilipino.

Higit na makikitaan ng nasyonalismong motibo ang edukasyon sa panahong ito kaysa sa panahon ng Komonwelt. Ngunit ito ay nasa balangkas pa rin ng imperyalistang kontrol sa ating bansa. Anumang magandang motibo para sa sektor ng edukasyon ay nawawalan ng saysay hanggat ang makinaryang pulitikal at pang-ekonomiya ay nasa kamay ng dayuhan o makadayuhang interes.

Sa pagbalik ng neokolonyal na kontrol ng Amerika sa bansa noong 1946, binasura lahat ng programang may kinalaman sa pamumuno ng Hapon, mabuti man o masama para sa kapakanan ng mamamayan, kabilang na ang binalangkas na programa para sa edukasyon.

VI. PANAHON NG NEO-KOLONYAL NA PANANAKOP NG IMPERYALISMONG US AT MGA PAPET NA GOBYERNO NITO: 1946-1986

Hindi nagtagal matapos ang pagkatalo ng mga Hapon, ipinagkaloob ng US ang huwad na kalayaan noong Hulyo 4, 1946, bilang pagsunod sa Tydings-McDuffie Law. Ngunit, tiniyak ng US na dominado pa rin nito ang pulitika, ekonomiya, militar, kultura at relasyong diplomasya ng bansa. Matapos na masira ang kalakhan ng bansa dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ginamit ng Estados Unidos ang Rehabilitation Acts at Bell Trade Agreements upang matali pa rin ang Pilipinas sa mga dikta ng imperyalistang bansa. Sa ganitong paraan umusbong ang malakolonyal at malapyudal na katangian ng bansang Pilipinas.

Mula sa panahon ng pagbibigay ng huwad ng kalayaan ng Pilipinas hanggang sa kasakukuyan, patuloy na umiiral ang komersyalisado, kolonyal at represibong sistema ng edukasyon sa bansa. Nagpatuloy ang kolonyal na kaisipan dulot ng impluwensya ng US sa mamamayang Pilipino. Nanatiling midyum ng pagtuturo ang wikang Ingles sa mga paaralan.

Sa pamamagitan ng mga paaralan, kasabwat ang simbahan, pinalaganap ng US ang kaisipan at kulturang kolonyal at konserbatibo na nagsisilbi bilang muog ng isang malakolonyal at malapyudal na kultura. Pinalaganap din ang anti-komunistang histerya at nagpapakalat ng mga kontra-rebolusyonaryo at reaksyunaryong kaisipan at teorya sa pulitika at ekonomiya.

Mula dekada sisenta hanggang nobenta ay mahigit walong libong mga Amerikanong Peace Corp Volunteer ang ipinadala sa bansa upang magturo sa mga eskuwelahan na parang mga Thomasites at naging estudyante nila maging ang mga Pilipinong guro. Sa pamamagitan ng mga Amerikanong foundation tulad ng Ford, Luce, Rockefeller, at Fulbright ay nagpatuloy din ang paghubog ng mga Pilipinong estudyante na tapat at sumasamba sa lahat ng perspektibang pabor sa interes ng US.

Sa paglipas ng mga taon, ang edukasyon ay pinagkakakitaan na ng malalaking negosyante. Pagkatapos ng digmaan, biglang lumobo ang bilang ng mga pribadong paaralan sa bansa. Ang dominasyon ng pribadong sektor sa kolehiyo ay walang kaparis sa buong mundo. Naglipana ang samu't saring mga eskuwelahang namimigay ng diploma sa katapat na presyo na walang pinagkaiba sa iba pang kalakal sa pamilihan. Ang pagdami ng mga eskuwelahan ay nagdulot ng pagbulusok ng kalidad ng edukasyon dahil sa labis na paghangad ng tubo kaysa magbigay ng tamang serbisyo sa lipunan.

Ang pagtindi ng komersyalisasyon sa edukasyon ay pinaboran ng pamahalaan habang sistematiko nitong pinapasa sa pribadong sektor ang responsibilidad sa edukasyon. Sa pagdaan ng mga dekada ay bumaba ang gastos ng pamahalaan sa edukasyon bilang bahagi ng kabuuang badyet. Sa pagliit ng badyet ay tumindi ang krisis sa edukasyon at bumaba ang kalidad ng ating pag-aaral. Hindi sana magkukulang ng guro, klasrum, at pasilidad ang mga eskuwelahan taun-taon kung mataas ang alokasyon ng pamahalaan sa edukasyon. Napupunta sa pambayad utang at gastos ng militar ang halos kalahati ng pambansang badyet imbes na maglaan ng malaki para sa serbisyong panlipunan. Habang may malaking investment ang mga karatig bansa natin sa Asya sa edukasyon (3.3% ng GNP, 1992), ang Pilipinas (2.9%) ay nagtitipid naman.

Kaakibat nito ay ang pagbabalangkas ng struktura ng edukasyon na tutugma sa pangangailangan ng Amerika at ng mga korporasyon nito. Naging papel ng edukasyon ang pagsuplay ng mga manggagawang may kaunting kasanayan at pwede pang matuto ng bagong kasanayan sa mga dayuhang korporasyon lalo na ng pag-aari ng mga Amerikano.

Ito ang paliwanag sa pag-alis ng ating mga propesyunal upang magtrabaho sa ibang bansa (brain drain). Tumutugon ang ating edukasyon sa pangangailangan ng dayuhan at hindi kung ano ang kailangan ng ating sariling ekonomiya upang lumakas. Isang matingkad na halimbawa ay ang oversupply ng mga nurse sa ating bansa sa kabila ng maliit na domestikong pangangailangan para sa propesyong ito. Noong 1998, kailangan lamang natin ng 27,160 nurse samantalang ang demand sa ibang bansa ay umaabot sa 150,885.

Ito rin ang paliwanag sa tila mapagkawang-gawang donasyon ng World Bank sa sektor ng edukasyon ng Pilipinas. Nais nitong matiyak na tutuparin natin ang ating obligasyon na magtustos ng mga semi-skilled laborers sa pagsuporta sa ating basic education.

Naniniwala ang WB na kailangan lamang ng mga Pilipino ng kaunting kasanayan kaya't mas pinaboran nito ang pagpopondo sa elementary at edukasyong bokasyonal. Binalangkas at binigyan ng malaking badyet ng WB ang Third Elementary Education Project ng Pilipinas. Ganundin ang ADB sa proyekto nitong Secondary Education Development Improvement Project. Mula 1982-1996, nagbigay ang WB ng $385 milyon at $359 milyon naman ang OECF sa edukasyon ng bansa at 2/3 nito ay inilaan para sa elementary at edukasyong bokasyonal.

Sinasabing ang edukasyon ang "great equalizer" sa lipunan at tagapagtaguyod ng demokrasya sa bansa. Ito ang susi ng bawat Pilipino, mayaman o mahirap, upang guminhawa sa buhay. Pagkatapos ng digmaan, lumaki ang enrolment sa mga eskuwelahan nang walang kapantay sa kasaysayan ng bansa. Mula 1948 hanggang 1970, tumaas ang bilang ng mga eskuwelahan sa elementary ng 238% at sa High School ng 242%.

Sa likod ng mga numero at paniniwalang ito ay hindi maitatago ang patuloy na pagiging bulok at elitista ng edukasyon sa Pilipinas. Sa pag-aaral ni Prop. Francis Gealogo ng Ateneo, hindi natupad ng edukasyon ang misyon nitong alisin ang agwat ng mga nakakapag-aral sa siyudad-kanayunan, babae-lalaki at mayaman-mahirap. Makikita sa talaan sa baba ang diskriminasyon laban sa mga mahihirap at sa mga nanggaling sa kanayunan pagdating sa access sa edukasyon. Kahit ang mga nakatapos ng kolehiyo ay hindi awtomatikong nakakakuha ng trabaho. Sa katunayan, walang pagkakaiba ang nakatapos ng kolehiyo sa mga hindi nakatapos sa pagkuha ng trabaho. Mas mataas pa nga ang unemployment rate ng mga nakarating sa kolehiyo kaysa sa mga hindi nakapag-aral.

Ang pagsigla ng kilusan para sa isang makabayan, makamasa at siyentipikong edukasyon

Tumambad ang isang malaking krisis sa edukasyon noong unang bahagi ng dekada sisenta na kinilala maging ng mga matataas na pinuno ng bansa. Ikinagulat ng marami ang naiiba ngunit matapang na panukala ng Kalihim ng Edukasyon noon na si Manuel Lim na baguhin ang kolonyal na oryentasyon ng edukasyon sa bansa, na ayon sa kanya ay ang pangunahing ugat ng suliranin. Dapat daw nakatuon ang pansin ng pamahalaan sa pagkakaroon ng isang makabayang edukasyon. Isang edukasyon na may pagpapahalaga sa sariling kultura, wika at kasaysayang Pilipino na kasabay ang pagdebelop sa mga mag-aaral ng isang kamalayang sibiko at patriyotiko.

Hindi papayagan ng US ang ganitong paghamon sa kanilang pamamayani sa sektor ng edukasyon kaya't agad binuo ang isang grupo ng mga Amerikano mula sa International Cooperation Administration at mga Pilipino mula sa National Economic Council upang magbigay ng rekomendasyon sa kinakaharap na problema ng edukasyon sa Pilipinas. Taliwas sa makabayang panukala ni Lim, idiniin ng grupo ang pagpapalakas ng edukasyong bokasyonal sa Pilipinas na susuporta diumano sa industriyalisasyon ng bansa. Ang panukalang ito ang repormang sinunod ng rehimeng Marcos at malinaw na ito ay isang adyenda ng US na mas pabor sa kanilang interes.

Habang pinag-uusapan ang mga panukalang ito, dumadagundong na sa buong bansa ang protesta ng mga estudyante at kabataan sa loob at labas ng eskuwelahan. Nilunsad ang Second Propaganda Movement ng mga kabataang intelekwal bilang pagpapatuloy ng naunsyaming rebolusyon noong 1896 at pagkundena sa tinukoy nilang tatlong salot ng lipunan: imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo.

Ang pagsigla ng bagong-tipo ng pambansang demokratikong kamalayan ay aktibong nilahukan ng mga estudyante kasabay ng pagbatikos nila sa kolonyal, komersyalisado at represibong edukasyon. Nagbuo sila ng mga samahang nakipaglaban para sa pagtatayo ng mga konseho ng mag-aaral, pahayagang pangkampus, academic freedom, kalayaang magpahayag at karapatang konsultahin tuwing magtataas ng matrikula.

Nagdaos sila ng maraming mga Discussion Group (DGs) at Teach-in sa mga eskuwelahan tungkol sa kasaysayan ng bansa, partikular ang propaganda movement at rebolusyong 1896. Pinag-aralan nila ang mga akda ni Recto, Constantino at Jose Maria Sison. Matapat nilang inaalam ang anti-imperyalistang pakikibaka sa buong mundo lalo na sa Vietnam, Cambodia at Laos. Sa huli ay matiyaga nilang pinag-aaralan ang mga siyentipikong aralin tungkol sa uri, lipunan at rebolusyon ng Marxismo-Leninismo at kaisipang Mao Zedong.

Tinuligsa ng mga estudyante ang konserbatismo at obskurantismo sa mga eskuwelahan lalo na ang tinatawag nilang kleriko-pasistang edukasyon ng mga katolikong pamantasan. Binunyag ang tumitinding amerikanisasyon ng UP. Walang magawa ang mga eskuwelahan sa kakaibang tapang ng mga estudyante sa paglalabas ng kanilang hinaing. Walang maling pulisiya ang hindi tinunggali. Walang mapang-abusong awtoridad ang hindi nakatanggap ng puna. Ngayon lamang lubusang hinamon ang kultura at kaisipang dominante sa mga paaralan.

Humantong ang aktibismo ng kabataan sa kinikilala natin ngayong First Quarter Storm ng 1970. Sa unang tatlong buwan ng taon ay nagdaos ng malawakang pagkilos ang mga kabataan sa buong bansa bilang protesta sa kahirapan at umiiral na kaayusan sa lipunan.

Dahil sa protesta ng mga estudyante, tumambad sa madla ang mga problema at kolonyal na oryentasyon ng edukasyon. Napilitang umangkop ang mga eskuwelahan at maging ang pamahalaan sa mga akusasyong ito at mula noon ay nagpostura silang makabayan at demokratiko ang mga paaralan sa bansa. Higit sa pagbusisi sa edukasyon, ang pagkilos ng mga estudyante ay nagbigay ng mas masinsing edukasyon sa mamamayan tungkol sa tunay na kalagayan ng pulitika, ekonomiya at kultura ng bansa.

Pagsidhi ng krisis sa edukasyon sa panahon ng Rehimeng Marcos

Sinalubong ng malalang krisis sa ekonomiya ang pangalawang termino ni Pangulong Marcos dahil sa pagkabangkarote ng kaban ng bayan dulot ng matinding korapsyon noong nakaraang halalan. Mataas ang presyo ng bilihin samantalang mahirap ang kabuhayan ng mamamayan. Apektado rin ang papalubhang krisis sa edukasyon.

Upang itago ang idinudulot nitong krisis sa pulitika tulad ng paglaban ng mga manggagawa, magsasaka at kabataang estudyante, kabilang na rin ang planong pagbabago sa makadayuhang Konstitusyon, nagsagawa ang pamahalaan ng ilang pagbabago sa iba't ibang ahensiya nito.

Binuo ang Presidential Commission to Survey Philippine Education (PCSPE) na pinondohan ng Ford Foundation upang pag-aralan daw ang naaabot ng edukasyon sa pagtugon nito sa pang-ekonomikong pangangailangan ng bansa at iakma sa "global economic development." Mabilis na tinukoy ng mga estudyante na ito ay isang panandalian ngunit di-epektibong solusyon sa krisis sa edukasyon.

Sa ulat ng PCSPE (Education for National Development, New Patterns, New Directions)noong 1970, sinabing hindi raw napapakinabangan ng husto ang ating mga graduate dahil hindi angkop sa manpower requirement ng ekonomiya. Nagpanukalang baguhin ang pokus ng edukasyon sa bansa sa paghuhubog ng trainable at mobile assembly line ng mga semi-skilled na manggagawa, farmhand, at mga craftsmen.

Malaki ang naging implikasyon ng ulat para sa edukasyon ng mga Pilipino hanggang sa kasalukuyan. Ginamit ang PCSPE upang tuluyan ng i-overhaul ang edukasyon upang maging sandigan ng pre-industrial, backward agricultural at foreign dominated na ekonomiya ng bansa.

Pinalakas ang polytechnic school system at edukasyong bokasyonal para sa suplay ng mga manggagawa sa mga Multinational Corporation (MNCs). Ipinatupad ang National College Entrance Examination upang isala ang mga estudyanteng didiretso sa higher education at yung kukuha ng bokasyonal na edukasyon. Binuo ang National Manpower Youth Council (TESDA ngayon) at Bureau of Non-Formal Education na magtitiyak na tuluy-tuloy ang pagsasanay ng mga kabataan batay sa pangangailangan ng mga MNCs na nakabase sa Pilipinas at batay sa pangangailangan ng pandaigdigang pamilihan.

Dahil sa mga pagbabagong ito, lumitaw ang mga kursong mataas ang demand sa ibang bansa. Lumaki ang bilang ng mga manggagawang (karamihan ay inhinyero) pinadala natin sa Middle East mula 1975 (12,500), 1977 (36,676) hanggang 1980 (157,394). Paparami rin ang mga seamen na napapakinabangan ng mga dayuhang korporasyon at umabot ito sa rurok na 140,000 noong 1990. Tinugunan ng PCSPE ang papel ng Pilipinas sa pagsuplay ng murang lakas paggawa sa buong mundo.

Sa pagpasok ng Martial Law, lalong tumingkad ang halaga ng sistema ng edukasyon upang pagsilbihan ang pasistang rehimeng US-Marcos. Kailangang baguhin ang mga aklat ng kasaysayan at kurikulum sa eskuwelahan upang maging katanggap-tanggap ang "Bagong Lipunan" ni Marcos at itago ang pasistang mukha ng batas militar.

Noong 1972 ay nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Education Development Act of 1972 na naglalayong magkaroon ng isang "development education" sa susunod na sampung taon. Gamit ang inisyal na alokasyon na P500 milyon at sa tulong ng WB, ginabayan nito ang pag-unlad ng ekonomiya sa kanayunan upang mapadali ang integrasyon nito sa pandaigdigang kapitalistang agrikultura.

Ginamit ang dayuhang kapital upang lalong patatagin ang pagkiling ng edukasyon sa pagsuplay ng mga bagong graduate na may sapat na kasanayan at mapapakinabangan nang husto ng mga dayuhan. Ang dating Philippine College of Commerce ay ginawang Polytechnic University of the Philippines. Ang UP ay hinati sa mga autonomous unit na may kanya-kanyang ispesyalisasyon at itinayo ang mga bagong programa mula sa pondo ng mga dayuhang korporasyon at bangko na tumutugma sa disenyong inilatag ng PCSPE. Itinatag ang Philippine Center for Advanced Studies sa UP Los Banos, College of Fisheries sa UP Visayas, Health Sciences Center sa UP Manila at Asian Institute of Tourism, School of Economics, College of Business Administration at Transport Training Center sa UP Diliman.

Luminaw pa ang tunay na layunin ng mga bagong programa sa edukasyon nang mismo ang WB ang naglaan ng $767 milyon para sa Textbook Development Program ng bansa. Ang plano ay ang pagsusulat ng mga bagong aklat ng mga guro at estudyante mula Grade 1 hanggang hayskul.

Noong 1984, tinatayang may 85-92 milyong kopya ng mga teksbuk ng WB ang naipamahagi sa mga eskuwelahan sa buong bansa. Ang humubog sa ating murang kamalayan ay mga aklat na disenyo ng mga dayuhang may motibo at interes na kontra-Pilipino.

Sa kabilang banda, ang mga kursong pilosopiya, agham panlipunan, sining at literatura, law, education, economics at business ay naging bahagi naman ng pagpapalaganap ng kulturang maka-US at konserbatibo. Ang mga paaralan ay naging instrumento para sa indoktrinasyon ng malakolonyal at malapyudal na kultura at kaalaman.

Isinabatas naman ang Education Act of 1982 sa kabila ng malawak na pagtutol mula sa sektor ng edukasyon. Ito ang nagbigay daan sa malayang pagtataas ng matrikula sa mga pribadong paaralan at nagpatindi ng krisis sa edukasyon. Ginawa ito ni Marcos bilang suhol sa mga pribadong paaralan upang suportahan nila ang mga itinakdang programa't proyekto ng WB sa edukasyon.

Pagpapatuloy ng laban sa kabila ng terorismo ng estado

Hindi napigilan ng pangil ng pasismo ng estado ang pagsulong ng demokratikong kilusan para sa isang makabayan, makamasa at siyentipikong edukasyon. Kahit sa madilim na yugto ng batas militar ay nagawang ipaglaban ang interes ng mga estudyante at guro sa sektor ng edukasyon.

Noong 1969, pinangunahan ng Manila Public School Teachers' Association ang kauna-unahang mass-leave ng mga guro upang hilingin ang pagpapatupad ng pagtaas ng sahod at iba pang benepisyo. Noong 1974 ay kinilala ng Supreme Court ang petisyon ng mga guro sa pribadong paaralan na magtayo ng unyon. Noong 1978 ay itinayo ang kauna-unahang welga ng mga manggagawa sa edukasyon ng mga empleyado at guro ng Gregorio Araneta University Foundation. Pagkaraan ng ilang linggo ay napatalsik nila ang kinamumuhiang presidente ng pamantasan at ibinigay ang hinihiling nilang pagtaas ng sahod.

Noong 1977 ay binuo ang alyansa ng mga estudyante laban sa pagtaas ng matrikula. Naglunsad ng mga koordinadong boykoteo, martsa at noise barrage ang mga estudyante sa iba't ibang kampus at maraming paaralan ang napilitang magbaba ng matrikula, habang ang iba'y pumasok sa negosasyon at nagbigay ng konsesyon sa pasilidad sa kampus.

Naging inspirasyon sa maraming eskuwelahan ang patuloy na paglaban ng mga mag-aaral at guro ng UP mula nang maipataw ang batas militar sa bansa. Iginiit ng di-iilang pamantasan ang karapatan nilang maging daluyan ng demokratikong ideya, pabor o palaban sa namumunong rehimen ng bansa.

Dahil sa tuluy-tuloy na pagkilos ng mga mag-aaral, 1979 pa lamang ay naibalik ang mga konseho ng mag-aaral ng ilang kolehiyo sa UP. Sinundan ito ng nilunsad na democratic reform movement mula 1978-1982 sa buong bansa upang maibalik ang pangunahing karapatan ng mga estudyante na magkaroon ng konseho, pahayagan at mga organisasyon.

Taong 1980-81 ng muling nilunsad ng mga mag-aaral ang kilusang boykot laban sa pagtaas ng matrikula. Sa pagkakataong ito, mahigit 400,000 na mag-aaral ang lumahok sa boykot sa mahigit 60 na paaralan sa buong bansa. Matapang na nilabanan din ang Education Act of 1980 dahil sa idudulot nitong pagtaas ng matrikula sa mga pribadong paaralan at atake sa awtonomiya ng mga pampublikong pamantasan. Napigil ang pagsasabatas nito ng dalawang taon.

Sa gitna ng lumalakas na kilusan laban sa rehimen ay napilitang magbigay ng konsesyon ang estado sa pamamagitan ng paglagda ng kasunduan sa pagitan ng Ministry of National Defense at League of Filipino Students. Ang MND-LFS accord ay nagpaalis sa mga militar sa mga eskuwelahan, nagbawal ng pakikialam ng militar at paggamit ng dahas sa mga aksiyong protesta sa mga eskuwelahan, at nagbawi sa praktika ng mga security guard na manghuli ng mga estudyante.

Ang huling tatlong taon ng rehimeng Marcos ay tinapatan ng sunud-sunod at papalaking pagkilos ng mga estudyante, guro at mamamayan. Taong 1983-84 nang maipagtagumpay ang isang daang boykot sa mga eskuwelahan sa buong bansa. Sumunod na taon ay inilunsad ang 220 boykot sa 53 na eskuwelahan sa National Capital Region. Mahigit 30,000 guro mula sa Maynila at Gitnang Luzon ang lumahok naman sa mass-leave noong Setyembre 1985 upang hilingin ang P3,000 pagtaas ng buwanang sahod.

Hindi na maikaila ng estado ang mahigpit na imperyalistang kontrol sa edukasyon ng bansa. Madaling iugnay ang suporta ng imperyalismo kay Marcos sa makadayuhang programa sa edukasyon ng Pilipinas. Ang kahirapan at kalupitang dinanas ng bansa kay Marcos ay naging halimbawa upang makita ang katumpakan ng pagkakaroon ng isang makabayan, makamasa at siyentipikong tipo ng edukasyon.

VII. NAGPAPATULOY NA KOLONYAL, KOMERSYALISADO AT MAPANUPIL NA SISTEMA NG EDUKASYON

Patuloy ang pagdausdos ng edukasyong Pilipino kahit sa pagkabagsak ng diktaduryang Marcos. Nanatiling nakakapit sa imperyalistang kontrol at dikta ang mga patakaran sa edukasyon. Nagkaroon ng iba't ibang mga pag aaral na pinondohan ng IMF-WB-ADB hinggil sa edukasyong Pilipino katulad ng EDCOM, PESS, PCER subalit ang kanilang mga rekomendasyon ay hindi umaangkop sa kalagayan ng lipunang Pilipino, bagkus ay mayroong pagkiling sa interes ng pribado at pandaigdigang merkado.

Niyakap at inako ni Corazon Aquino sa kanyang pagkapangulo ang lahat ng utang ng mga Marcos bagaman ang kalakhan ng mga ito ay hindi napakinabangan ng mamamayang Pilipino. Kahit na nailagay sa Saligang Batas 1987 na ang edukasyon ang dapat na nakakatanggap ng pinakamataas na alokasyon ng badyet, hindi ito naisakatuparan ng mga papet na rehimen mula kay Aquino hanggang kay Arroyo. Ayon sa tsart sa itaas, ang average share ng edukasyon sa Gross Domestic Product ay 2.8 porsiyento lamang samantalang ang para sa pambayad utang ay 7.3 porsyento. Sinasabi ng UNESCO na ang minimum na dapat na ilaan ng isang bansa sa edukasyon upang umunlad ay anim na porsiyento.

Samantalang kinakaltasan ang badyet ng pampublikong edukasyon na nagbunsod upang magtaas ng matrikula maging ang mga paaralang ito, patuloy naman ang pagtaas ng mga bayarin sa mga pribadong paaralan, kasabay ng paglobo ng kanilang bilang.

Patuloy din naman ang korporatisasyon ng mga eskuwelahang pampubliko. Gusto ng pamahalaan na pamunuan ang mga SCU bilang mga korporasyon. Kung kaya't ang sukatan ng tagumpay ng isang eskuwelahan ay batay sa "cost recovery and maximization of resources schemes" at hindi kung ito ay nakakapaglingkod ba sa tao at komunidad. Pangunahing kunsiderasyon ang market requirements sa pagpaplano ng mga bagong programa sa edukasyon. Dahil ito ang pokus ng pamahalaan, dumarami ang mga malalaking negosyante na pinapasok ang larangan ng edukasyon.

Samantalang tumataas ang halaga ng edukasyon, kasabay din nito ang pagbaba ng kalidad nito. Dahil sa motibo ng mga kapitalista-edukador na kumita ng pera mula sa edukasyon at ang pagsasawalang-bahala ng gobyerno, nagsulputan ang mga paaralan na wala namang kakayahan sa pagtuturo mula sa aspeto ng kanilang kaguruan hanggang sa pasilidad. Dagdag pa sa pagbaba ng kalidad ng edukasyon ay ang kakulangan ng suporta ng estado sa pampublikong edukasyon na nagbubunsod ng kakulangan sa mga pasilidad, mga teksbuk, at mga guro. Bagkus, hindi kagulat-gulat ang pagbaba ng kalidad ng edukasyon; ito'y epekto lamang ng mga patakaran ng pamahaan.

A. Papet na Rehimeng Aquino

Nagbunyi ang mamamayan sa pagpapatalsik sa diktaturyang Marcos at malaki ang inaasahan sa bagong luklok na rehimen na isasakatuparan nito ang mga pagbabagong kinakailangan ng bansa upang pigilan ang pagbulusok ng ekonomiya at krisis sa lipunan.

Dahil sa patuloy na paglakas ng kilusan para sa makabayang edukasyon, napilitan ang pamahalaan na itaas nang bahagya ang badyet ng edukasyon. Itinalaga din ng bagong Konstitusyon ang compulsory at libreng pag-aaral sa hayskul.

Gayunpaman, karamihan sa mga kahilingan ng sektor ng edukasyon ay patuloy na pinagkait ng rehimen. Nakalugmok pa rin sa mababang pasahod ang mga guro at hindi pinakinggan ang panawagan ng mga kabataan na kontrolin at tuluyang pigilan ang pagtaas ng matrikula. Sa halip ay lalong tumindi ang krisis sa edukasyon dahil sa mga bagong programang pinatupad ng pamahalaan.

Sa pamunuan ni Aquino higit na nalantad ang kutsabahan ng mga kapitalista-edukador at pamahalaan. Halos taun-taon binabago ang guidelines hinggil sa matrikula at palagi itong umaayon sa kagustuhan ng mga pribadong eskuwelahan. Isinuko ang kinabukasan ng mga kabataan sa kamay ng mga ganid na kapitalista-edukador.

  1. MECS Order #22 series of 1986 na naglagay ng ceiling ng 15% tuition fee increase para sa non-accredited na paaralan at 20% para sa mga accredited.
  2. DECS Order #37 series of 1987 10% tuition fee increase para sa mga accredited na eskuwelahan.
  3. DECS Order #39 series of 1988. Nagsaad na wala ng ceiling ang tuition fee increase. Naamyendahan bilang 39-A matapos ang malawak na pagtutol.
  4. DECS Order #6 series of 1989. Walong pisong tuition fee increase sa upperclass at deregulasyon ng matrikula sa freshmen
  5. DECS Order #37 series of 1990 na hindi na regulated ang matrikula sa mga freshmen, hayskul at kolehiyo, pagsulat ng waiver, at pagtaas ng matrikula sa upper year ay batay sa tantos ng implasyon.
  6. DECS Order #50 series of 1990. Pagluwag sa tuition fee increase sa mga 1st year sa mga paaralang may accredited na programang umaabot sa level 2.
  7. DECS Order #136 series of 1990. Nagpahintulot ng dalawang beses na pagtataas ng matrikula sa loob ng isang taon sa Region 3,4,5 at NCR.
  8. DECS Order #16 series of 1991. Pagtataas ng matrikula batay sa regional inflation.
  9. DECS Order #30 series of 1991. Nagtakda ng 30% tuition fee increase.
  10. DECS Order #137 series of 1992. Deregulasyon ng tuition fee increase ng 18 "excellent schools."
  11. DECS Order #21 series of 1993. Deregulasyon ng tuition fee increase sa lahat ng antas.

Patuloy ang paghahanap ng katanggap-tangap na programa upang talikuran ng pamahalaan ang responsibilidad nito sa edukasyon. Noong 1989, ipinatupad sa UP ang Socialized Tuition and Financial Assistance Program(STFAP) upang diumano'y gawing demokratiko ang pag-aaral sa pamantasan. Kalauna'y lumabas din ang tunay na motibo ng estado na iskema ito upang magtaas ng matrikula sa "mapanlikhang paraan". Mula P40 per unit ay biglang lumobo ang tuition sa P200 noong unang taon pa lang ng implementasyon ng programa. Hindi nakapagtataka kung bakit sa kasalukuyan ito'y pinapatupad na sa lahat ng pampublikong eskuwelahang bokasyunal at nakaambang ipatupad na rin sa lahat ng publikong kolehiyo sa bansa. Hindi tuwiran ang pagtaas ang matrikula, kumikita ang pamantasan at lumiliit pa ang subsidyo ng pamahalaan habang ipinagyayabang na ito'y para sa demokratisasyon at modernisasyon ng edukasyon sa bansa.

Higit na pinaboran ang paglaki ng papel ng pribadong sektor sa edukasyon nang isinabatas ang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education o GASTPE. Naglaan ng subsidyo ang pamahalaan sa mga pribadong eskuwelahan upang pagtakpan ang kakulangan nito na ibigay ang libreng edukasyon sa mga Pilipino. Babayaran diumano ang tuition ng mga mahihirap subalit hindi naman pinigilan ang taunang pagtaas ng matrikula na siyang hinahanap na tulong ng mga kabataan at mahihirap.

Hindi maitago ang pagkabangkarote ng edukasyon sa bansa kung kaya't muli na namang sinuri ang sistemang pang-edukasyon ng binuong Education Commission (EDCOM) 1991 na malao'y naging Congressional Oversight Committee for Education. Wala namang inulat na bago ang EDCOM maliban lamang sa pagdidiin na hindi pa rin magkatugma ang ating mga graduate at pangangailangang manpower ng ating ekonomiya. Inamin din nito na isang dahilan sa pagbagsak ng kalidad ng edukasyon sa bansa ay ang maliit na investment ng gobyerno sa edukasyon. Kinilala ang bumabagsak na literacy rate, idiniin ang pangangailangang magpokus sa basic education, at (maling) tinukoy bilang pangunahing suliranin ng edukasyon sa bansa ang "inefficiencies in decision-making and organizational mechanism in the implementation of education programs."

Sinunod ang rekomendasyong bumuo ng tatlong magkakahiwalay na ahensiya na may partikular na pokus at tungkulin sa pagbibigay ng serbisyong edukasyon. Pormal na itinalaga noong 1994 ang Department of Education (elementar at hayskul), Commission on Higher Education (kolehiyo) at Technical Education and Skills Development Authority o TESDA (edukasyong bokasyunal at teknikal).

Ang pagtibag ng higanteng burukrasya ng edukasyon ay lumutas ng mga kagyat na problema sa organisasyon at pamamahala ng mga eskuwelahan. Subalit lumipas ang ilang taon ay hindi pa rin nito natutugunan ang mayor na layunin kung bakit ito ipinatupad, at ito ang pigilin ang pagbulusok ng kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Ngayon may panukala na magbuo ng coordinating agency na mag-uugnay sa tatlo upang magkaroon ng iisang direksiyon ang edukasyon sa bansa.

Ibinaling ang sisi sa "efficiency" ng pamamahala at pagpapatupad ng mga programa samantalang matagal ng sinasabi ng mga iskolar na ang pangunahing suliranin ng edukasyon sa bansa ay nakaangkla sa kolonyal na oryentasyon o imperyalistang kontrol sa edukasyon ng mga Pilipino. Ang bulag na pagsunod sa adyenda ng IMF-World Bank ang pangunahing bumabansot sa pagsilbi ng edukasyon sa pag-unlad ng Pilipinas.

B. Papet na Rehimeng Ramos

Ginamit ng rehimeng Ramos ang EDCOM upang maisulong ang programang Education 2000. Nakabatay ito sa binalangkas na Medium Term Philippine Development Plan o Philippines 2000. Lulutasin daw ang kahirapan sa pamamagitan ng "people empowerment at global competitiveness." Panibagong rekomendasyon ito ng IMF-World Bank na higit na pinatingkad ang malapyudal na ekonomiya ng bansa. Upang maisakatuparan ito, ginamit na stratehiya ang deregulasyon, liberalisasyon at pribatisasyon.

Ang Education 2000 daw ang solusyon sa matinding krisis sa edukasyon. Kapuna-puna ang mga panukala nito: "relaxing or liberalizing the heretofore restrictive regulatory framework for private education; and rationalizing the role and function of the state tertiary system of education."

Nagpatuloy ang edukasyong nakaangkla sa isang 'export-oriented, import-dependent' na ekonomiya lalo na't minadali ng pamahalaan ang pribatisasyon at patakarang liberalisasyon sa sektor ng edukasyon. Tumindi ang komersyalisasyon ng mga SCU at pinalaki pa lalo ang papel ng mga kapitalista-edukador sa pagpaplano ng programa ng pamahalaan sa edukasyon.

Mula 1992-95, dumoble ang bilang ng mga pribadong paaralan sa bansa. Sumulpot ang mga pre-school na nagongolekta ng napakataas na matrikula dahil sa patakarang liberalisasyon. Sa paanyaya ng pamahalaan, naglipana ang mga eskuwelahang nagtataguyod daw ng 'global competitiveness', partikular ang mga IT schools. Napakinabangan ng husto ng ibang bansa ang ating mga bagong graduates habang patuloy na nakapokus ang ating edukasyon sa dayuhang pangangailangan.

Ginawa ng CHED ang Long Term Higher Education Development (LTHEDP) 1996-2005 na pawang pagsunod sa dikta ng dayuhan na bawasan ang badyet sa mga kolehiyo, magpokus sa agham at teknolohiya at umayon sa globalisasyon ng edukasyon. Kapuna-puna ang CHED Memo #59 na naglimita ng mga kursong Social Sciences sa kolehiyo. Ikinatuwa ng mga MNCs at mga malalaking negosyante sa bansa ang pagsasabatas ng Dual Training System Act dahil sa ibinunga nitong maramihang internship ng mga estudyante sa kanilang mga kumpanya.

Isinabatas ang Higher Education Modernization Act of 1997na nagbigay daan sa korporatisasyon at burukratisasyon ng komposisyon ng Board of Regents ng mga SCU. Binigyan ng kapangyarihan ang Board na magtaas ng matrikula at magkaroon ng business ventures sa pribadong sektor upang kumita nang sarili ang mga SCU. Hakbang ito ng pamahalaan upang magbawas ng badyet sa mga SCU at akitin ang malalaking negosyante na lumahok sa pribatisasyon ng mga SCU.

Sa pamunuan ni Ramos nailatag ang pundayon ng malawakan, sistematiko at tuluy-tuloy na rasyonalisasyon (o pagbabawas) ng mga SCU. Isinabatas ang Agriculture and Fisheries Modernization Act na ginawang legal ang rasyonalisasyon ng mga eskuwelahang agrikultural. Hinikayat ang mga publikong pamantasan na maghanap ng sariling pagkakakitaan o kaya'y tuluyang magsara o lumahok sa programang pribatisasyon. Ipinasa sa sumunod na rehimen ang lubusang pagpapatupad ng programang ito.

C. Papet na Rehimeng Estrada

Binuo noong Disyembre 1998 ang Philippine Education Sector Study (PESS) at Presidential Commission on Educational Reform (PCER) at may siyam na rekomendasyon sa edukasyon na inaprubahan ng pamahalaan kasama ang WB, ADB, COCOPEA, Philippine Chamber of Commerce, at ang mga negosyanteng sina Aguiluz at Ayala.

Nagtulak ito ng moratorium ng pagtatayo ng panibagong mga SCU noong Oktubre 1999. Binalangkas ang pagbabawas ng badyet sa edukasyon at rasyonalisasyon ng mga SCU. Iminungkahi ang pagtataas ng matrikula sa mga SCU sa parehong lebel ng pribadong eskuwelahan. Ito ang salarin kung bakit inalis ang MOOE at binawasan ang capital outlay ng mga SCU. May freeze hiring tuloy at bawal na ang paglikha ng plantilla position sa mga SCU.

Nagmungkahi ding magdagdag ng isa hanggang dalawang taong kurso para sa mga estudyanteng hindi papasa ng qualifying exam bago magkolehiyo (pre-baccalaureate system). Labis itong ikinatuwa ng mga kapitalista-edukador dahil sa nakikinita na nila ang kanilang makukuhang dagdag na kita dito.

Binalangkas din ang programa ng rasyonalisasyon ng mga SCU:

1. Delineation of functions of SCUs towards the complementation of programs and course offerings with their private counterparts.

2. Review of enabling instruments and charters of SCUs to address all technical inconsistencies and serve as basis for reform

3. Development of a model for the rationalization of SCUs that accounts for best practices in other countries

4. Formulation of a strategic action and investment plan for the restructuring of SCUs

Hanggang sa kasalukuyan ay ito pa rin ang sinusunod na programa ng pamahalaan upang gipitin ang mga SCU at isulong ang rasyonalisasyon ng edukasyon sa kolehiyo. Inaalis sa mga SCU ang mga kursong binibigay din ng mga pribadong eskuwelahan, binabago ang Charter upang iakma sa komersyalisasyon at tuluy-tuloy ang pagbabawas ng badyet.

D. Papet na Rehimeng Macapagal-Arroyo

Naging taksil sa kabataan, sa mamamayan, at sa diwa ng EDSA Dos ang papet at pasistang rehimeng Gloria Arroyo. Sa pag-upo nya noong Enero 21, 2001, binalangkas ng kabataan ang mga panawagan para sa mas mataas na subsidyo para sa edukasyon, paghihinto ng mga pagsingil sa mga bayarin sa mga paaralan sa isang takdang panahon, at ang pagtatanggal ng pamahalaan ng mga patakarang nagpapalala sa sitwasyon ng edukasyon.

Subalit, pinagpatuloy ni Arroyo ang liberalisasyon ng edukasyon at lalo pa itong pinalala dahil sa pagsang-ayon nito sa mga dikta ng IMF-WB. Tampok ang pagpapakatuta ng rehimeng ito sa Estados Unidos pagkatapos nitong suportahan buong-buo ang war on terror na pinangunahan ng imperyalistang bansa. Karugtong ng mga patakarang liberalisasyon sa ekonomiya katulad ng pagtataas ng value-added tax, sin taxes, Mining Act, ay ang pagpapalala ng kolonyal at komersiyalisadong oryentasyon ng edukasyon tulad ng RBEC, paggamit ng Inggles bilang wika ng pagtuturo, at CMO 14.

Lalong lumala ang labor migration sa panunungkulan ni Gloria Arroyo sa pag-alis ng mga doktor, mga nurse, mga guro upang magtrabaho sa ibang bansa. Ito ang mga pangangailangang tinutugunan ni kasalukuyang rehimen at hindi ang mga pangangailangan ng mamamayan.

1. LTHEDP 2001-2010. Binalangkas ito ng CHED upang gabayan ang direksiyon ng higher education sa bansa ngayong dekada. Kailangan daw maging angkop ang edukasyon sa ating "knowledge-based economy" ngayong nasa panahon na tayo ng "borderless education." Balak ding idebelop ang isang service-oriented higher education na magbubunsod ng kasiglahan sa ating ekonomiya.

Tumutugon ang pamantayan ng LTHEDP sa disenyo ng IMF-WB. Paiigtingin lalo nito ang krisis sa edukasyon dahil layon nitong maipatupad ang mga sumusunod pagdating ng taong 2010:

· Nabawasan na ang bilang ng mga SCU ng 20% ng kabuuang bilang ngayon

· 6 na SCU ay semicorporatized na ang operasyon.

· 20% ng mga SCU ay kumikita ng sarili at hindi na humihingi ng pondo sa pamahalaan sa pagbebenta ng mga intellectual product at mga grant.

· 50% ng mga SCU ay may aktibong income generating projects.

· 70% ng mga SCU ay may tuition na katumbas ng mga pribadong paaralan.

· 15 kolehiyo sa bansa ang may pre-baccalaureate system.

· 60% ng mga pamantasan ay may kolaborasyon sa malalaking industriya at negosyo.

2. Medium Term Higher Education Development and Investment Plan (MTHEDIP) 2001-2004. Ito ang ambisyosong programa ng CHED sa susunod na tatlong taon batay sa mga ginawang rekomendasyon noon ng PCER at PESS. Layon nitong bigyan ng solusyon ang isyu sa mababang kalidad ng edukasyon sa kolehiyo at ang usapin ng equity o access ng mahihirap sa mga pamantasan. Subalit tila niloloko ng CHED ang kanyang sarili dahil ang ibinabandila nitong programa ay nais idebelop ang edukasyon sa kolehiyo sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga pampublikong kolehiyo sa bansa.

May panukala itong rasyonalisasyon ng mga kolehiyo tulad ng rekomendasyon ng PCER. Kapag ito'y nabigo, may inihahapag ang CHED na normative financing at resource allocation system bilang paraan ng pagpopondo ng mga SCU. Ang badyet ng mga SCU ay nakabatay sa kanilang mga programang akademiko na prayoridad ng CHED. Kapag may mga iniaalok itong kurso na 'non-sanctioned' ng CHED, wala itong matatanggap na pondo sa pamahalaan. Upang maging katanggap-tanggap ang pagbabawas ng mga SCU ay may inilalako ang CHED na 'regional university system.'

Iniinsulto ng CHED ang mamamayan sa dahil nakuha pa nitong ipagmalaki na ang kinaltasang pondo ng mga SCU at ang idudulot nitong pagtaas ng matrikula ay babalansihin daw ng mga scholarship na kanilang ibibigay. Ilang libong estudyante lang ba ang makakakuha ng mga scholarship? At ang mga estudyanteng kumukuha ng mga kursong 'non-sanctioned' ng CHED ay hindi rin makakatanggap ng subsidyo mula sa gobyerno. May posibilidad ding sinasabi ang CHED na cost-recovery o paniningil sa mga estudyanteng tumatanggap ng scholarship sa hinaharap kapag nakatapos na sila ng kolehiyo.

Binabalangkas din ng programang ito ang mapping ng mga kolehiyo sa bansa ayon sa ekonomikong potensyal ng mga rehiyon. Aayusin ang lokasyon ng mga pamantasan batay sa specific field of expertise ng mga rehiyon tulad ng agrikultura sa Timog Katagalugan, pagmimina sa rehiyon ng Cordillera, fisheries sa kanlurang Visayas at Arts and Sciences sa Maynila.

Nakaangkla ito sa dami ng mga MNCs at malalaking korporasyon na mayroon sa bawat rehiyon. Ang buong pakete ng MTHEDIP ay pinakamasahol sa mga programang nais ipatupad ng CHED dahil tahasang binebenta ang interes ng bansa sa mga dayuhan. Hindi nakapagtataka at nakasalalay ang programang ito sa pondo mula sa mga dayuhang bangko at imperyalistang bansa.

3. Restructured Basic Education Curriculum (RBEC).Solusyon ng DepEd sa mababang kalidad ng edukasyon ay pagbabago ng kurikulum sa elementary at hayskul. Lima na lang ang core subject ng mga estudyante: English, Science, Math, Filipino at Makabayan - pinagsama-samang araling panlipunan, musika, PE, health, at technology and home economcs. Nahihibang ata ang DepEd sa pagsasabing ito ang solusyon para tumaas ang ating posisyon sa TIMMS dahil sa bagong kurikulum ay inalis ang science sa grade 1at 2 at binawasan ang contact time ng pagtuturo ng science sa hayskul. Sa paglabnaw ng pagtuturo ng kasaysayan at ng lahing Pilipino, higit nitong patitingkarin ang kolonyal na oryentasyon ng edukasyon sa bansa. Palibhasa'y ang kailangan lamang ng mga MNCs ay mga mangagawa na kaunti lamang ang kasanayan kung kaya't kahit ang isang holistikong edukasyon ay isasakripisyo ng pamahalaan. Nilabag ng DepEd ang lahat ng metodolohiya sa pagbabago ng kurikulum dahil hindi dumaan sa pilot testing ang RBEC bago ito ipatupad sa buong bansa. Ang maagang pagpapatupad ng kurikulum ay dikta ng IMF-WB bago nila ibigay ang hinihinging utang ng pamahalaan para sa edukasyon.

4. English as medium of instruction. Ipinatupad ni Gloria Arroyo ang paggamit ng wikang Inggles sa pagtuturo ng mahigit na 75% ng mga asignatura at mga paksa sa mga paaralan upang maagapan daw ang pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong marunong mag-inggles. Naaayon ang patakarang ito sa dikta ng dayuhang merkado para sa english-speaking cheap labor upang magtrabaho sa kanila bilang tagapag-alaga ng maysakit at matatanda, tagasagot ng telepono, taga-transcribe ng mga diskusyong medikal, atbp. Dahil sa patakarang ito, pati na rin ang RBEC, inilathala ng DepEd noong Mayo 2006 ang pagbaba ng average score ng mga mag-aaral sa wikang Filipino. Lalong pinalala ng patakarang ito ang kolonyal na oryentasyon ng edukasyon - isang edukasyon na nagsisilbi sa dayuhan at hindi sa sariling bayan.

5. Joint Circular Memorandum on Normative Funding na inilabas ng CHED at Department of Budget ang Management (DBM) taong 2004. Ito ay nakabatay pa rin sa rekomendasyong inilabas ng PESS at PCER upang "irasyonalisa" ang pagpopondo ng mga SUC. Nilalayon nito na higit na rasyonalisasyon ng 100% ng MOOE batay sa merit nito upang makatipid ang gobyerno at mapataas daw ang kalidad ng serbisyo ng mga SUC maliban sa mga service hospitals ng mga ito. Sinimulan itong ipatupad ngayong taon kung saan 25% ng MOOE ang ipinaloob dito, 50% sa 2006, 75% sa 2007 at 100% sa 2008. Sa partikular ang plao nito ay:

· ibatay ang MOOE sa bilang sa aktwal na bilang ng mga estudyante nang nakaraang taon at hindi na maari pang magbigay ng dagdag na badyet sa karagdagang bilang sa mga susunod na taon;

· mas bibigyan lamang ng prayoridad sa popondo ang mga kursong IT, natural sciences at math, teacher education at agriiculture, ang PhD, masters at iba pang kurso ay hindi gaanong paglalaanan ng pondo at ipephase-out alinsunod sa programa ng Asian Development bank (ADB);

· mayroon na ring takdang bilang ng mga thesis, dissertations at studies na dapat mai-publish upang mabigyan ng pondo sa pnanaliksik;

· upang mapanatili ang mga extension service ng SUC ay kailangang paramihin ang output nito gaya ng bilang ng tao na nabigyan ng seminar nang walang ilalaan na pondo upang maabot ang rekisitong ito;

· upang manatili ang mga guro sa serbisyo kailangang 80% ng kanyang estudyante ay pumasa sa board exam.

Sa esensya, ang tunguhin ng bagong patakarang ito ay pagbabawas ng bilang ng SUC. Sa kakarampot na badyet na inilalaan sa mga SUC, imposibleng maabot ng maliit at naghihikahos na pamantasan ang matataas na pamantayang ito.

6. CHED Memorandum Order No. 14. Sa pamamagitan ng CHED Memo 14 na ipinatupad noong 2005, kunwang tinutugunan ng pamahalaan ang pagtutol ng kabataan sa taunang pagtaas ng matrikula nang hind tuwirang naapektuhan ang kita ng mga kapitalista-edukador. Ito ang ipinalit ng CHED sa revised guidelines para sa pagtaas ng matrikula ng mga pribadong paaralan mula sa naunang CHED Memo Order 13 series of 1998.

Nakasaad sa CHED Memo 14 ang paglalagay ng 'tuition cap,' o hindi paghintulot sa mga pribadong paaralan na magtaas na matrikula ng lagpas sa kasalukuyang inflation rate. Ayon pa sa CHED, layunin din daw ng Memo 14 na gawing regular ang mga konsultasyon ng mga pribadong paaralan sa mga magulang at estudyante. Kasama rin sa mga saklaw ng CHED Memo 14 ang iba pang mga panukalang pagtaas ng mga bayarin sa eskwelahan (miscellaneous fees) bukod sa matrikula.

Pero nananatiling inutil ang CHED Memo 14 sa pagkontrol sa taunang pagtaas ng matrikula. Sa halip, liniligalisa ng CHED Memo 14 ang taunang pagtaas ng matrikula at tuluyan nang tinatanggalan ang mga estudyante at magulang ng karapatang dumalo sa mga konsultasyon. Hindi na raw kailangan ng konsultayon kapag ang pagtaas ng bayarin o matrikula ay katumbas o mas mababa pa sa inflation rate.. Samakatwid, awtomatiko na ang pagtataas ng matrikula sa mga pamantasang ito. Wala itong idinulot kundi palalain ang deregulasyon ng matrikula.

VIII. NAGPAPATULOY NA LABAN NG KABATAAN AT MAMAMAYAN

Taun-taon ay sinasalubong ng protesta ang pagbubukas ng mga klase dahil sa patuloy na pagsidhi ng krisis sa edukasyon. Pinapatampok ang pananagutan ng pamahalaan na pag-aralin ang kabataan. Hindi lang minsan niyanig ng mga protesta ang Estado at humahantong pa ito sa lubusang paghihiwalay sa reaksiyunaryong gobyerno. Pinakamatingkad na halimbawa ay ang malakas, malawak at dumadagundong na kampanya laban sa pagtaas ng matrikula. Ang taunang pagbabago ng mga DECS memo hinggil sa matrikula sa panunungkulan ni pangulong Aquino ay ibinunga ng militanteng paghamon ng mga estudyante sa lansangan. Napilitang umaksiyon ang pamahalaan upang maiwasan ang pagbulusok ng popularidad nito sa publiko. Ito rin ang dahilan kung bakit iminungkahi ni pangulong Ramos ang pagbubuo ng National Multisectoral Committee on Tuition. Kailangang ipakita niya sa mamamayan na may ginagawa siyang hakbang upang tugunan ang kahilingan ng kabataan.

Mula nang maitatag ang CHED ay ilang beses na itong naglabas ng memorandum upang maging makatarungan daw ang konsultasyon sa pagtaas ng matrikula. Itinulak ito ng hindi mapigil na protesta ng mga estudyante sa loob at labas ng mga eskuwelahan. Kung tutuusin, ang reklamo ni Dr. Feliciano ng COCOPEA ("But sadly, the education sector has the distinction of being the only industry in the economy where the students must be consulted by the schools to the amount of tuition fees they have to pay") ay isang pagkilala sa pagiging epektibo ng mga protesta laban sa pagtaas ng matrikula. Walang pribadong korporasyon sa bansa ang pwedeng diktahan ng pamahalaan kung saan dadalhin nito ang kanilang tubo subalit nagawa nating maging batas ang paglalaan ng 70% ng kita ng mga eskuwelahan sa pagtaas ng sahod ng mga guro, 20% sa pagdebelop ng mga pasilidad, at 10% ang pwede lang maging tubo.

Noong 2000, binawasan ang badyet ng UP at iba pang SCU sa bansa. Ipinagmalaki ito ni Pangulong Estrada dahil siya raw ang kauna-unahang pangulo ng Pilipinas na gumawa nito. Sinundan pa ito ng kanyang pagtatanggol kay Lucio Tan, ang nagmamay-ari ng UE at numero unong kapitalista-edukador. Sinabayan pa ito ng pagtaas ng matrikula sa mahigit limang daang eskuwelahan sa bansa. Ang walang pagtatanging arogansyang ito ay hindi palalampasin ng kabataan. Naglunsad ng mga sunud-sunod na pagkilos sa mga eskuwelahan sa buong bansa bilang pagkundena sa mga pulisiya ni Estrada sa edukasyon hanggang sa umabot ito sa EDSA Dos. Naging tuntungan ang mga sektoral na isyu'kahilingan ng mga kabataan upang maging mabilis ang pagpapakilos ng daang libong mga kabataan sa EDSA at sa iba pang sentrong bayan sa buong kapuluan. Bago pumiyok si Chavit, nagkakaisa na ang kabataan laban kay Erap.

Ang potensyal ng kabataan na pangunahan ang malalaking protesta laban sa pamahalaan ay matagal ng kinikilala at kinakatakutan ng naghaharing uri. Ito ang ating mabisang sandata upang pigilin, kahit pansamantala, ang pagpapatupad ng mga kontrobersyal na programa sa edukasyon ng pamahalaan tulad ng STFAP sa lahat ng SCUs, moratorium sa paglikha ng mga bagong SCU at todo-todong pagpapatupad ng rasyonalisasyon sa edukasyon. Ipinakita rin natin ang katumpakan ng kolektibong pagkilos nang napilitan ang pamahalaan na baguhin ang ROTC noong 2001 pagkatapos nating ikasa ang sabay-sabay na walk-out ng mga kadete sa mga eskuwelahan sa bansa.

Matapang ang ating paghamon sa pamahalaan at may nakukuha tayong maliliit at malalaking tagumpay. Subalit nananatiling dominante pa rin ang isang kolonyal, komersyalisado at mapanupil na sistema ng edukasyon. Lalong tumindi ang krisis sa edukasyon sa pag-upo ni Pangulong Macapagal-Arroyo. Bukod sa pagtalikod sa mga pangako niya sa EDSA, mas masahol pa siya sa pinatalsik na pangulo dahil sa mga patakaran niya sa edukasyon at sa pagsupil sa mga karapatang pantao.

Pakikibaka ng kabataan at mamamayan laban sa diktadurya ni Arroyo

Mula ng maupo sa poder, pinagtaksilan na ni Arroyo ang kabataan. Higit pa ngayong inilulubog ng kanyang mga sakim na pakana para makapanatili sa pwesto eng edukasyon sa mas malalim na krisis.

Dahil sa pinipiling unahin ang pagkapit-tuko sa kapangyarihan, ang pondo na ilalaan sana sa edukasyon ay napupunta sa kabuktutan ng rehimen. Noong 2004, ang idagdagdag sanang badyet sa DepEd ay hindi inapruba at ginamit ni Arroyo sa kampanya. Kung tutuusin, simula ng 2001, pababa na nga ang badyet ng edukasyon, ibinubulsa pa niya ang sana'y pang-agapay sa krisis. Ngayong taon, dahil sa paggigiit ni Arroyo na maipasa ang dagdag badyet niya sa cha-cha at sa iba't iba pang pakana para makapanatili sa pwesto, ne reenact ang badyet at higit na bumaba ang halaga ng badyet sa edukasyon. Napakarami sanang pera na maaaring ilaan sa edukasyon, pero napupunta ito sa kabuktutan ni Arroyo at ng kanyang pamilya, bukod pa sa misprayoritisasyon ng pondo sa pambayad utang at gastusing militar.

Nagkaroon si Gloria Arroyo ng karapatang manipulahin ang mahigit 48 bilyong piso dahil sa pagre-reenact ng 2005 badyet. Sa kasalukuyan ay dinagdagan ng pasistang rehimen ng isang bilyong piso ang pondo ng militar upang sugpuin ang mga rebolusyonaryong nakikibakang mamamayan. Ito ay sa kabila ng matinding pangangailangan ng edukasyon para sa dagdag na pera upang pampatayo ng mga silid-araln, pagpapaayos ng mga kagamitang eskwela, at marami pang iba.

Sinisingil na ng mamamayan at kabataan si Arroyo sa kanyang mga kasalanan at lumalakas ang kilusan na nananawagan ng kanyang pagpapatalsik. Ang reaksyunaryong estado naman ay gumamit ng mga mapanupil na mga patakaran upang patahimikin ang mga mamamayan. Kabilang ang kabataan sa naging biktima ng pasismo ng estado. Ginawang animo'y mga kampo ng militar ang mga paaraalan at tiniktikan ang mga lider estudyante. Noong Marso 19, 2006, pinaslang ng mga militar ang coordinator ng League of Filipino Students sa Bikol na si Cris Hugo. Diniligan ni Cris ng sariling dugo ang harapan ng kanilang pamantasang Bicol University, ipinakita niya ang katapangan ng kabataan sa harap ng pasismo upang itaguyod ang interes ng masa.

Matapang na ipinakita ng kabataan ang militanteng paglaban sa rehimeng mapanupil. Pinangunahan ng kabataan ang pagbawi ng mamamayan sa Mendiola sa ginawang pagkilos noong Setyembre 2005. Sa iba't ibang parte rin ng bansa ay naglunsad ng mga kilos protesta ang mga estudyante't kabataan upang imarka ang nagpapatuloy na makasaysayang responsibilidad ng kabataan sa lipunan. Noong Mayo 2006 ay ipinakita ni Teresa Pangilinan, pangalawang kalihim ng NUSP Southern Tagalog, ang galit ng kabataan kay Gloria Arroyo sa harap nya mismo sa graduation ng Cavite State University. Saan man magpunta si Arroyo ay hahabulin siya ng protesta ng mga makabayan at kritikal na mga kabataan. Ganito rin ang ginawa ng mga estudyante sa UP Manila at mga paaralan sa Taft Avenue nang bumisita si Arroyo sa PGH. Hindi na siya tatantanan ng kabataang nakikibaka.

User Avatar

Wiki User

11y ago
This answer is:
User Avatar

Add your answer:

Earn +20 pts
Q: Ano ang kalagayang pang ekonomiko ng bansa sa paglipas ng panahon?
Write your answer...
Submit
Still have questions?
magnify glass
imp
Related questions

Ano ang demilitarisasyon sa panahon ng Hapon?

ito ay ang panahon kung saan maraming mga opisyales ang natanggal sa kanilang puwesto upang makamit ang pagiging demokratiko ng kanilang bansa.


S,A tungkol sa "Ang pilipinas sa pagdating ng panahon"?

Ang Pilipinas sa pagdating ng panahon ay may malalim na kasaysayan at pag-unlad. Ito ay isang bansang matagal nang nasasakop at napagdaanan ang iba't ibang yugto ng pag-usbong at pagbabago. Noong unang panahon, ang Pilipinas ay tahanan ng mga katutubong kultura at sinaunang kabihasnan. Matagal na may mga sibilisasyon sa Pilipinas bago dumating ang mga Kastila noong ika-16 dantaon. Ang panahon ng kolonyalismo ay nagdala ng malalim na impluwensya sa kultura at relihiyon ng bansa. Sa paglipas ng mga panahon, naging bahagi rin ang Pilipinas ng iba't ibang kapangyarihan, tulad ng mga Amerikano at Hapones, na nagdala ng iba't ibang aspeto ng pagbabago at modernisasyon. Sa pagdating ng panahon ng kasarinlan noong 1946, nagsimulang magkaruon ng mas malawakang pag-unlad at pagsulong ang bansa. Ngayon, ang Pilipinas ay isang bansang may makulay na kultura, mayaman sa mga tradisyon at kasaysayan. Ito ay may magagandang tanawin at likas yaman. Ngunit mayroon racket itong mga hamon tulad ng ekonomikong isyu at pulitikal na tensyon. Sa kabuuan, ang Pilipinas ay isang bansang patuloy na nagbabago at nagsusulong sa paglipas ng mga panahon, na may pag-asa at potensyal para sa mas maliwanag na kinabukasan.


Panahon ng bagong bato?

ang panahon ng bagong bato ay isa sa gamit ng pagsasaka ang matutulis na bato ay ginagamit nung wala pang pang araro


Ang pagunlad ba ng medisina ay higit na makakatulong sa kalagayang panlipunan ng bansa o kabaligtanran ng inaasahan?

daihl sa pag-unlad ng medisina,higit na bumilis ang pagdami ng populasyon . . . . . BY:King Joshua B.Gonzalvo


Ano ang ibig sabihin ng kasaysayan?

Ang kasaysayan ay isang mahalagang nakaraan ng isang bagay. tulad ng kasaysayan ng isang bansa na nagsasaad ng mga importanteng detalye na nangyari sa isang bansa sa nakaraan.


Ano ang mabuting dulot ng balita sa atin?

nalalaman natin ang mga nangyayari sa ating bansa,klima ng panahon at maging sa nangyayari sa ibang panig ng bansa.


What is Tagalog of bansa?

The Tagalog translation of "bansa" is "country" or "nation."


Anu anong mga bansa ang nagpasimula ng eksplorasyon?

noong unang panahon ang bansang Portugal at espanya ang nagpasimula sa explorasyon , nag hahanap sila ng spices o paminta sa iba bang lugar.


Pagbabago sa kalakalan sa panahon ng amerikano sa pilipinas?

Noong panahon ng Amerikano sa Pilipinas, nagkaroon ng malawak na pagbabago sa kalakalan tulad ng pagsisimula ng free trade at liberalisasyon ng ekonomiya ng bansa. Ito ay nagdulot ng pagpasok ng mas maraming produkto mula sa Amerika sa Pilipinas, na nakaimpluwensya sa tradisyonal na industriya at kalakalan ng bansa. Bumilis din ang modernisasyon ng imprastruktura at transportasyon, na nagdala ng mas mabilis na paglalakbay ng mga kalakal sa iba't ibang panig ng bansa.


Paano nasangkot ang Pilipinas sa Ikalawang Digmaang Pandaigdigan?

dahil gusto nila ipaglaban ang pilipinas2.para sa kalayaan ng bansa


Ano anong bansa ang sumakop sa china?

Ang Japan, United Kingdom, at Russia ay ilan sa mga bansa na sumakop sa Tsina sa iba't ibang panahon ng kasaysayan nito. Ang mga sakop na ito ay nagresulta sa mahabang kasaysayan ng kolonyalismo at pakikialam sa kalakalan at gobyerno ng Tsina.


Pagbabago sa kalakalan sa panahon ng amerikano?

Noong panahon ng Amerikano, nagkaroon ng malawakang modernisasyon at pagbabago sa kalakalan sa Pilipinas. Itinatag ang mga libreng kalakalang systema upang pasiglahin ang ekonomiya at dagdagan ang pag-import at export ng mga kalakal. Nabuksan ang mga pamilihan sa ibang bansa at naimpluwensyahan ang mga lokal na produkto ng mga dayuhang kalakal.