ANG KWINTAS
Isa siya sa mga pinaka-marikit at kahali-halinang babae na isinilang, at para bang nagkamali ang tadhana dahil isang pamilya ng mga manggagawa ang kanyang pinagmulan. Hindi siya itinakda na ikasal kaninoman, walang umaasa na aangat siya, at wala rin siyang paraan para makilala, maunawaan, mahalin, at makapangasawa ng isang marangya at marangal na lalaki. Bagkus, isang hamak na kawani ng Kagawaran ng Edukasyon ang pinakasalan niya. Simple lang ang kanyang panlasa dahil hindi naman niya kaya ang mga mamahaling bagay. Hindi siya masaya dahil sa pakiwari niya, nagpakasal siya sa isang lalaking mas mababa pa sa kanyang uri. Pero ang mga babae naman talaga ay hindi nabibilang sa kahit anumang uri. Ang kanilang kagandahan, kahinhinan, at alindog ay nagagamit nila para magkaroon ng asawa at pamilya. Ang natural na pagkahilig nila sa karangyaan, ang kanilang angking karingalan, at matalisik na isip ay nagsisilbing mga palatandaan ng kanilang ranggo. At sa mga bagay na ito, ang babaeng tinutukoy natin na nagmula sa kahirapan ay maituturing na kapantay ng pinakamataas na babae sa balat ng lupa.
Hindi matapus-tapos ang kanyang pagdurusa, dahil pakiramdam niya'y ipinanganak siya para matikman ang lahat ng karangyaan at kaginhawahan. Pinagdurusahan niya ang kanyang hamak na tirahan, ang mga nanlilimahid na dingding nito, ang mga gapok na silya, at marurungis na kurtina. Lahat ng ito-na maaaring hindi alam ng mga babaeng kauri niya-ay nagdudulot sa kanya ng pasakit at insulto. Nang makita niyang pumasok ang batang babae na Breton sa kanyang hamak na tirahan para magtrabaho, nabagbag ang kanyang damdamin at natigatig ang kanyang mga walang kapararakang pangarap. Umandar ang kanyang imahinasyon at naisip niya ang mga tahimik na silid, na natatakpan ng mabibigat na kurtinang Oryental, naiilawan ng mga nagtataasang sulo na yari sa tanso, at binabantayan ng mga nagtatangkarang lalaki na may suot na mahahabang medyas na umaabot hanggang sa tuhod at nahihimbing sa malalaking sopa, dahil sa nakalilipos na init na nagmumula sa kalan. Naisip niya rin ang malalawak na silid na napapalamutian ng antigong telang sutla, at maliliit ngunit kaaya-aya at mababangong silid na nilikha para sa mga munting salusalo kasama ang mga pinakamalapit na kaibigan, at mga lalaking pamoso at inaasam-asam, na ang pamimitagan ay nakatitigatig ng inggit at pagnanasa sa kababaihan.
Nang dumulog siya para sa hapunan sa hapag na natatakpan ng mantel na kalalagay lang tatlong araw na ang nakararaan, katapat ng kanyang asawa na nag-alis ng takip ng lalagyan ng sopas at napabulalas nang buong saya: "Aha! Scotch broth! May hihigit pa ba rito?", muli na namang lumipad ang imahinasyon ng babae at naisip niya ang mga pagkasarap-sarap na pagkain, mga kumikinang na kubyertos, mga tapiseriya na tumatakip sa mga dingding at naglalarawan sa mga sinaunang tao at mga kakatwang ibon mula sa mga kagubatang pinamamahayan ng mga diwata; naisip niya ang mga kasiya-siyang pagkain na nakalatag sa mga kamangha-manghang bandehado, mga pabulong na panunuyo, na pinakikinggan nang may di mawaring ngiti habang ngumangasab ng mamula-mulang laman ng isda o pakpak ng manok na may halong asparago.
Wala siyang magagandang damit at alahas. At ito ang mga bagay na iniibig niya. Pakiramdam niya'y nilikha siya para sa mga bagay na ito. Matagal na niyang inaasam na makapang-akit, na mapagnasaan, na kahumalingan, at maging kaasam-asam.
Nagkaroon siya ng isang mayamang kaibigan, isang dating kaklase na ayaw niyang bisitahin, dahil nakararamdam siya ng matinding pagkasawi habang papauwi siya sa kaniyang tirahan. Ilang araw siyang umiiyak, saklot ng kalungkutan, pagsisisi, kawalang-pag-asa, at pagdurusa.
Isang gabi, umuwi ang kanyang asawa na masayang-masaya, hawak ang isang malaking sobre.
"Para sa iyo ito," sabi niya.
Mabilis na pinunit ng babae ang sobre at hinugot mula sa loob nito ang isang papel kung saan nakasulat ang mga katagang ito:
"Hinihiling ng Ministro ng Edukasyon at ni Ginang Ramponneau na makapiling sina Ginoo at Ginang Loisel sa Kagawaran ngayong Lunes ng gabi, ika-18 ng Enero."
Ngunit imbes na matuwa, gaya ng inaasahan ng kanyang asawa, inihagis ng babae ang imbitasyon sa mesa, sabay bulong ng:
"Ano'ng gusto mong gawin ko rito?"
"Bakit, mahal ko? Akala ko'y masisiyahan ka. Matagal ka nang hindi lumalabas. Napaka-importanteng okasyon nito, at pinaghirapan kong makakuha ng imbitasyon para rito. Lahat ay gustong maanyayahan sa pagtitipong ito. Piling-pili ang makakapunta, at iilan lang ang napaunlakang kawani na gaya ko. Makikita mo rito ang lahat ng matataas na tao."
Tumalim ang tingin ng babae sa asawa, saka nagsalita na parang naubusan na ng pasensya: "At ano sa palagay mo ang isusuot ko sa pagtitipong 'yan?"
Hindi iyon naisip ng lalake; pautal niyang nasabi:
"Ba't di mo gamitin 'yung isinusuot mo pag nagpupunta ka sa teatro? Napakaganda noon, para sa akin…"
Natigilan ang lalake, natuliro, at naghahanap ng sasabihin nang makita niyang umiiyak na ang kanyang asawa. Dalawang malaking patak ng luha ang tumulo mula sa gilid ng kanyang mga mata patungo sa gilid ng kanyang labi.
"Ano'ng nangyayari sa iyo?"
Ngunit mabilis na nakabawi mula sa kanyang kalungkutan ang babae, at kalmado siyang tumugon habang pinapahiran ang nabasang pisngi:
"Wala. Wala lang kasi akong maisusuot na damit kaya hindi ako makadadalo sa kasayahang 'yan. Ibigay mo na lang ang imbitasyon sa kasamahan mo na may asawang mas nababagay diyan kaysa sa akin."
Halos madurog ang puso ng lalaki.
"Sandali lang, Matilda," giit ng asawa. "Magkano ba ang isang simpleng damit na nababagay sa ganyang okasyon, na maaari mo pang gamitin sa iba pang pagtitipon?"
Ilang sandaling nag-isip ang babae. Inalala niya ang mga presyo ng ganoong klaseng damit habang iniisip niya rin kung gaano kalaking pera ang pwede niyang hingin sa asawa, na hindi matatanggihan at hindi rin ikagugulantang ng lalaki.
Sa wakas, nag-aalinlangang sumagot ang babae:
"Hindi ako sigurado, pero pwede na siguro ang apat na raang francs."
Tila namutla ang lalaki, dahil ganitong halaga rin ang pinag-iipunan niya para makabili ng isang baril. Binabalak niya kasing mamaril sa susunod na tag-araw sa kapatagan ng Nanterre. Ito ang pinupuntahan ng kanyang mga kaibigang namamaril ng ibon tuwing Linggo.
Ngunit gayunpaman, sinabi ng lalaki: "Kung ganoon, bibigyan kita ng apat na raang francs. Siguruhin mo lang na makabibili ka ng isang napakagandang damit."
Papalapit na nang papalapit ang araw ng kasayahan. Kahit handa na ang kanyang damit, nagiging malungkutin pa rin si Ginang Loisel, laging di mapalagay, at balisa.
"Ano ba'ng nangyayari sa iyo? Tatlong araw nang kakaiba ang kilos mo…"
"Nahahabag ako sa aking sarili, dahil wala akong alahas, ni isang mamahaling bato ay wala akong maisusuot," tugon ng babae. "Wala akong mukhang ihaharap kaninoman. Mas mabuti pa yatang 'wag na lang akong dumalo sa kasayahan."
"Magsuot ka ng bulaklak," sabi ng lalaki. "Sa halagang sampung piso, makakabili ka ng dalawa o tatlong rosas."
Ngunit hindi kumbinsido rito ang babae.
"'Wag na lang… Kahihiya-hiya kung magmumukha akong dukha sa harap ng napakaraming mayamang babae."
"Napaka-estupida mo!" bulalas ng asawa. "Pumunta ka kay Ginang Forestier at tanungin mo kung pwede ka niyang pahiramin ng mga alahas. Alam mo namang kilala siyang alahera, di ba?"
Napabulalas ng tuwa ang babae.
"Tunay nga. Hindi ko 'yon naisip."
Kinabukasan, nagpunta ang babae kay Ginang Forestier at ikinuwento niya rito ang kanyang problema.
Nagtungo si Ginang Forestier sa kanyang iskaparate, kinuha mula rito ang isang malaking kahon, binuksan ito, at sinabi:
"Mamili ka rito, mahal."
Unang tiningnan ng babae ang mga pulseras, tapos ay isang kuwintas na may perlas, at isang gintong krus na may makikinang na bato. Galing ito sa Venetia, at sadyang napakahusay ng pagkakagawa. Tumingin siya sa salamin at tiningnan ang sarili na gamit ang mga alahas. Nagbabantulot siya at di makapagdesisyon kung iiwan o isosoli niya ba ang mga alahas. Panay ang tanong niya:
"Mayroon ka pa bang iba?"
"Oo. Ikaw na ang mamili. Hindi ko alam kung ano talaga ang gusto mo."
Kapagdaka'y nakita niya sa isang maliit at itim na lalagyan na yari sa satin ang isang napakagandang alahas na diamante.
Tumibok ang pagnanasa sa puso niya. Nanginginig ang mga kamay niya nang kunin niya ang alahas. Isinuot niya iyon sa kanyang leeg, sa ibabaw ng kanyang mahabang damit, at ilang sandali siyang nalunod sa kaligayahan habang pinagmamasdan niya ang kanyang sarili.
Tapos ay nag-aalinlangan siyang nagtanong:
"Maaari mo ba itong ipahiram sa akin? Tanging ito lamang?"
"Oo naman."
Napahilig siya sa dibdib ng kaibigan, niyakap niya ito nang mahigpit, at dali-dali siyang umuwi na bitbit ang natatanging hiyas. Dumating din ang araw ng kasayahan. Tagumpay si Ginang Loisel. Siya ang pinakamarikit na babae sa lahat, elegante, mabining kumilos, laging nakangiti, at nag-uumapaw ang kaligayahan. Lahat ng mga lalaking nandoon ay napapatingin sa kanya, itinatanong ang kanyang pangalan, at gusto siyang makilala. Lahat din ng mga Pangalawang Sekretaryo ng Pamahalaan ay gusto makipag-balse sa kanya. Napansin din siya ng Ministro.
Haling na haling siya sa pakikipagsayaw, nag-uumapaw ang kanyang saya, at panay ang inom niya, walang pakialam sa lahat, maging sa pagwawagi ng kanyang kagandahan, sa karangalan ng kanyang pagkakapanalo, sa lambong ng kaligayahang bumalot sa kanya dulot ng mga pagtangi at paghanga, ng mga pagnanasang kanyang ginising, ng kabuuan ng kanyang tagumpay na sadyang napakalapit sa kanyang puso.
Mag-a-alas-kuwatro na ng madaling-araw nang magpasya siyang umuwi. Hatinggabi pa'y tulog na ang kanyang asawa sa isang maliit na silid, kasama ang tatlo pang kaibigan na may mga asawang nagkakasayahan. Ipinatong ng lalaki sa balikat ng babae ang mga kasuotang dinala niya para magamit nila sa pag-uwi-mga ordinaryong kasuotan na alangan sa napakagandang saya ng babae. Napansin niya iyon kaya't nagmamadali siyang umalis upang hindi siya makita ng ibang mga babae na nagsusuot ng kanilang mga mamahaling fur.
Pinigilan ng lalaki ang kanyang asawa.
"Sandali lang. Malamig sa labas. Baka magkasipon ka. Tatawag ako ng taxi."
Pero hindi siya pinakinggan ng babae at nagmamadali itong bumaba sa hagdanan. Nang makalabas na'y wala silang maparang taxi. Nag-abang sila at ilang beses nilang sinigawan ang mga taxing dumaraan.
Naglakad sila patungo sa Seine, tuliro at nangangatal sa lamig. Sa wakas ay nakatagpo sila ng isang pipitsuging taxi na tuwing gabi lamang nagbibiyahe sa Paris, dahil tila ikinahihiya nito ang kanilang kalumaan.
Inihatid ng taxi ang mag-asawa sa Rue des Martyrs, at malungkot nilang nilakad ang daan patungo sa kanilang bahay. Iyon na ang wakas, naisip ng babae. Kailangang nasa opisina na siya nang alas-diyes, naisip naman ng lalaki.
Hinubad ng babae ang mga kasuotang nakabalot sa kanyang balikat, upang muli niyang mapagmasdan ang kanyang kagandahan sa harap ng salamin. Ngunit bigla siyang napabulalas. Nawawala ang kuwintas!
"Bakit? Ano'ng problema?" tanong ng asawa, na halos nakahubad na.
Maligalig na bumaling ang babae sa lalaki.
"Naiwala ko ang kuwintas na hiniram ko kay Ginang Forestier…"
Nabigla ang lalaki.
"Ano?! Imposible!"
Hinanap nila ang kuwintas sa bawat tupi ng kanyang kasuotan, sa ilalim ng kaniyang coat, sa mga bulsa, sa lahat ng lugar. Pero hindi nila ito makita.
"Sigurado ka bang suot mo pa ang kuwintas noong umalis tayo sa kasayahan?" tanong ng lalaki.
Oo, hinawakan ko pa ito noong nasa bulwagan tayo."
"Pero kung nahulog iyon sa daan, dapat ay narinig natin iyon."
"Oo. Malamang. Nakuha mo ba ang numero ng taxi?"
"Hindi. Ikaw, napansin mo ba iyon?"
"Hindi."
Napatingin ang mag-asawa sa isa't isa. Pareho silang natulala. Agad na muling nagbihis si Ginoong Loisel.
"Babalikan ko ang daan na nilakad natin," sabi niya.. "Baka mahanap ko pa iyon."
Umalis ang lalaki. Naiwan ang babae, suot pa rin ang kanyang saya. Nanghihina siya at ni hindi makahiga sa kama. Napako siya sa kanyang kinauupuan. Ni hindi siya makapag-isip.
Ala-siyete na nang makabalik ang kanyang asawa. Hindi nito nakita ang kuwintas.
Nagtungo ang lalaki sa istasyon ng pulis, nag-alok ng pabuya. Nagtungo rin siya sa mga diyaryo, sa mga kompanya ng taxi, sa lahat ng lugar na makapagbibigay sa kanya ng kahit katiting na pag-asa.
Buong araw na hinintay ng babae ang kanyang asawa. Di masukat ang kanyang pagkawindang sa inabot nilang kamalasan.
Gabi na nang umuwi si Ginoong Loisel. Hapis at namumutla ang kanyang mukha. Bigo ang kanyang paghahanap.
"Kailangang sulatan mo si Ginang Forestier," sabi ng lalaki, "at sabihin mo sa kanyang napatid mo ang kalawit ng kuwintas at ipinapagawa mo pa ito… nang sa gayo'y may oras pa tayo para maghanap."
Isinulat ng babae ang idinikta ng asawa.
Natapos ang linggong iyon at naglaho na ang pag-asa ng mag-asawa.
Sabi ni Ginoong Loisel na tila tumanda ng limang taon:
"Dapat nating palitan ang nawalang diamante."
Kinabukasan, dinala ng mag-asawa ang kahong pinaglagyan ng kuwintas sa alahero na ang pangalan ay nakasulat sa loob ng kahon. Kinonsulta ng alahero ang kanyang talaan.
"Ginang, hindi ako ang nagbenta ng kuwintas. Maaaring ako lamang ang nagbigay ng kalawit."
Nagpunta ang mag-asawa sa iba't ibang alahero. Naghanap sila ng kuwintas na kapareho ng nawala. Pilit nilang inalala ang itsura nito, at nalipos sila ng pagsisisi at labis na pagdadalamhati.
Sa isang tindahan sa Palais-Royal, may nakita ang mag-asawa na diamante na tila kawangis ng hinahanap nila. Nagkakahalaga iyon ng apatnapung libong francs. Nakatawad ang mag-asawa kaya't naging tatlumpu't anim na libong francs na lang ang halaga ng diamante.
Nagmakaawa ang mag-asawa sa alahero na huwag ibenta ang diamante sa loob ng tatlong araw. At inareglo rin nila na bago magtapos ang Pebrero, makukuha nila sa halagang tatlumpu't apat na libong francs ang ikalawang diamante sakaling may makabili na ng unang napili nila.
May labing-walong libong francs si Ginoong Loisel na minana niya sa kanyang ama. Ipangungutang na lang niya ang iba pa.
Nakahiram nga ng pera ang lalaki. Nakakuha siya ng isang libo sa isang kaibigan, limang daan sa isa pa, limang louis dito, limang louis doon. Lumagda siya ng mga kasulatan, pumasok sa mga mapanganib na kasunduan, namalimos sa kung sinu-sinong mga nagpapautang. Isinanla niya ang kanyang mga nalalabing taon, ipinagsapalaran ang kanyang lagda nang walang kasiguruhan kung matutupad niya ang mga napagkasunduan, at nangilabot siya sa kanyang sariling kinabukasan, sa napakadilim na hinaharap na nakatakdang bumagsak sa kanya, sa mga pangitain ng lahat ng klase ng pagdarahop at pagdurusa… hanggang sa nabili ng lalaki ang bagong kuwintas at naibayad niya ang tatlumpu't anim na libong francs na hiningi ng alahero.
Nang isauli ni Ginang Loisel ang kuwintas kay Ginang Forestier, nagsalita ang huli nang may nanlalamig na tinig:
"Sana'y isinoli mo ito agad sa akin. Maaaring nagamit ko pa sana ito."
Ngunit taliwas sa kinatatakutan ng babae, hindi na binuksan ng kanyang kaibigan ang lalagyan. Kung napansin ng kaibigan ang ipinalit niyang kuwintas, ano kaya ang iisipin nito? Ano kaya ang kanyang sasabihin? Isipin niya kaya na isang magnanakaw si Ginang Loisel?
Naranasan ni Ginang Loisel ang labis na kahirapan. Sa umpisa pa lang ay tinanggap na niya ng buong tapang ang kanyang kinahinatnan. Dapat na mabayaran ang pagkakautang. Kaya iyon ay kanyang pagdurusahan. Pinaalis na niya ang utusan. Lumipat silang mag-asawa ng tirahan. Nagtiyaga sila sa isang maliit na kuwartong nasa pagitan ng isang bubungan at kisame.
Napilitang gawin ni Ginang Loisel ang mabibigat na gawaing-bahay at ang kinabubuwisitan niyang trabaho sa kusina. Natuto siyang maghugas ng mga pinggan. Dahil sa pag-iisis ng magagaspang na palayok at puwitan ng mga kawali, nagasgas at numipis ang kanyang mamula-mulang mga kuko. Nilabhan niya ang maruruming kubre-kama, ang mga baro at mantel, at isinampay niya ang mga iyon. Tuwing umaga, itinatapon niya ang laman ng basurahan at umiigib siya ng tubig. Kailangan niyang tumigil paminsan-minsan para habulin ang kanyang paghinga. At suot ang hamak na damit ng isang pobreng babae, siya rin ang namamalengke, dala ang kanyang basket. Naranasan niyang makipagtawaran, mainsulto, at makipag-away para sa bawat sentimo ng kanyang kakapiranggot na salapi.
May mga kasulatan sa pagkakautang na dapat bayaran buwan-buwan, ang iba'y kailangang palitan ng bago, kaya't lalo pang tumagal ang mga pananagutan.
Sa gabi'y kailangang magtrabaho ni Ginoong Loisel bilang tagaayos ng talaan ng isang negosyante. Sa bawat pahina, kumikita siya ng katiting na barya.
Tumagal ng sampung taon ang ganitong buhay ng mag-asawa.
Nang magwakas ang sampung taon, nabayaran na rin nila ang lahat ng mga pagkakautang, pati na rin ang interes na ipinatong ng mga usurero.
Malaki ang itinanda ni Ginang Loisel. Katulad na siya ng iba pang matatag na mga babae na nasanay na sa kahirapan. Hindi na maayos ang kanyang buhok, masagwa na ang kanyang damit, at maligasgas na ang kanyang mga palad. Garalgal na ang kanyang boses, at kapag nagpupunas siya ng sahig, nagkalat ang tubig sa paligid. Minsan, kapag nasa opisina ang kanyang asawa, napapatigil ang babae sa tabing-bintana at naaalala niya ang gabing iyon, ang gabi ng kasayahan kung saan nagningning ang kanyang kagandahan at labis-labis siyang hinangaan.
Ano kaya ang nangyari kung hindi niya naiwala ang kuwintas? Sino nga ba ang nakaaalam? Sadyang napaka-hiwaga ng buhay! Napaka-salawahan! Maaaring mawasak o mabago ang lahat sa isang mumunting dahilan lamang!
Isang Linggo, habang naglalakad siya sa Champs-Elysees upang magpahinga, nakita ni Ginang Loisel ang isang babae na namamasyal kasama ang kanyang anak. Si Ginang Forestier pala iyon, at mukha pa rin siyang bata, maganda, at kaakit-akit.
Nakaramdam si Ginang Loisel ng pag-aalinlangan. Dapat niya bang kausapin si Ginang Forestier? Oo, dapat lang. At ngayong nabayaran na niya ang kanyang mga utang, ikukuwento ni Ginang Loisel sa kanyang kaibigan ang lahat ng nangyari.
Nilapitan ni Ginang Loisel si Ginang Forestier.
"Magandang umaga, Jeanne."
Hindi agad nakilala ni Ginang Forestier si Ginang Loisel. Nabigla pa nga ito dahil
sa kapangahasan ng pobreng babae.
"Ngunit… Ginang…" pautal na sabi ni Ginang Forestier. "Hindi kita kilala… Nagkakamali ka…"
"Hindi… Ako si Matilda Loisel."
Nabigla ang kanyang kaibigan.
"Ay! Ikaw pala 'yan, Matilda! Ang laki ng ipinagbago mo!"
"Oo… Naghirap kasi ako mula nang huli tayong nagkita. At marami akong dinanas na kalungkutan… Dahil sa iyong kagagawan…"
"Kagagawan ko!? Paano nangyari iyon?"
"Naaalala mo ba 'yung diamanteng kuwintas na ipinahiram mo sa akin para sa kasayahan noon sa Ministro?"
"Oo. Ano'ng kinalaman noon?"
"Naiwala ko iyon."
"Hindi ba't ibinalik mo naman iyon sa akin?"
"Ang ibinalik ko sa iyo ay kawangis lamang noon… At pinagbayaran namin iyon sa loob ng sampung taon. Alam mo namang hindi ganoon kadali para sa amin ang magbayad ng utang. Wala kaming pera… Pero bayad na iyon ngayon… At natutuwa ako dahil tapos na ang aming obligasyon."
Natigilan si Ginang Forestier.
"Ang ibig mong sabihi'y bumili ka ng bagong diamanteng kuwintas para palitan ang hiniram mo sa akin?"
"Oo… Hindi mo ba iyon napansin? Parehong-pareho kasi ang dalawa."
Napangiti pa si Ginang Loisel nang buong pagmamalaki at kainosentehan.
Labis na nagulumihanan si Ginang Forestier kaya't napahawak siya sa kamay ni Ginang Loisel.
"Ay kaawa-awang Matilda! Ang kuwintas kong iyon ay isang imitasyon lamang. Nagkakahalaga lamang iyon ng hindi hihigit sa limang daang francs!" *
~ CMSHS STUDENT ^^
what country is guy maupassant from
Guy de Maupassant's birth name is de Maupassant, Henry-Ren-Albert-Guy.
Abandoned by guy de maupassant SETTING
Guy de Maupassant
Guy de Maupassant was born on August 5, 1850.
no one was married to guy de maupassant. He was in a mental home.
Guy de Maupassant died on July 6, 1893 at the age of 42.
Guy de Maupassant's mother's name was Laure Le Poittevin.
Guy de Maupassant died on July 6, 1893 at the age of 42.
Guy de Maupassant was born on August 5, 1850.
Guy de Maupassant - 1982 is rated/received certificates of: France:-12
Guy de Maupassant was born on August 5, 1850.